Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jillian Ward, ganap nang teenager sa ‘My Special Tatay’


Dalaga na ang dating Kapuso child actress na si Jillian Ward!

At sa kaniyang pagdadalaga, unang pagkakataon siyang gaganap bilang isang teenager sa pinakabagong Kapuso afternoon series na "My Special Tatay."

 

 

Aminado si Jillian na mahirap ang unang role niya bilang teenager.

"Ang edad ko po rito ay 16. Nahirapan din ako kasi ang usual ko na mga role talagang juvenile. First ko po na medyo maarte sa sarili kasi 'yung mga roles ko puro simple lang talaga ako eh, medyo kikay-kikay po kaya iba po siya," sabi ni Jillian sa panayam ng mga showbiz reporter sa press conference ng "My Special Tatay" nitong Martes.

"Ngayon po nakabihis na, medyo makeup na po," aniya.

Bibigyang-buhay ni Jillian ang karakter ni Odette Villaroman, ang half-sister ng may disability na si Boyet, na ginagampanan ni Kapuso star Ken Chan.

"Description sa role ko, nu'ng una hindi ko siya (Ken Chan) accepted pero sa kaniya ko po mararamdaman na may kuya ako," sabi ni Jillian.

Huling Kapuso series ni Jillian ang "Super Ma'am" na nagtapos noong Enero, bago siya nag-13 nitong Pebrero.

"So masaya rin po ako kasi makakapag-acting na po ako ulit, na-miss ko po. Kasi hindi po ako sanay ng sobrang haba ng break... Sa bahay po ako naho-homesick 'pag walang trabaho. Gusto ko lagi pong may taping, siguro nasanay na po akong ganu'n."

Sinabi ni Jillian na pressured din siya, lalo't inaasahan nang mas maging mature siya sa kaniyang edad.

"Kailangan ko na pong maging mas mature and expectations po ng mga nakatatanda ngayon na teenager ka na po, dapat talagang mature na 'yung pag-iisip mo. Pero medyo isip bata pa rin ako!" natutuwa niyang kuwento.

"Wala naman pong pinagbago, parang naging mas mature lang po 'yung mga nasa paligid ko, mas mature na po 'yung mga nakakausap ko and mas naiintindihan ko na po 'yung mga usapan ng mga matatanda."

Grade 7 na si Jillian ngayon sa kaniyang homeschooling, at patuloy sa pagsisipag sa pag-aaral.

"Tutok rin po ako sa pag-aaral. Siyempre alam ko na hindi forever 'yung pag-aartista kaya nag-aaral po talaga ako nang mabuti."

Natanong kung hindi ba siya nahihirapang pagsabayin ang showbiz at studies. "Hindi naman po, siguro kasi nasanay na rin ako na since bata pa lang po ako."

Ayon kay Jillian, mas madali para sa kaniya ang homeschooling na mayroong nagtu-tutor sa kaniya, kaya magaganda rin ang kaniyang grades.

"Smooth naman po 'yung journey ko du'n kaya salamat naman po."

May natitipuhan na si Jillian sa kurso sa pagtapak niya sa kolehiyo. "Siguro po gusto ko psychology or law. Pero mas gusto ko po 'yung psychology. And kung tatanungin niyo po BA o BS, feeling ko po parang gusto ko yung BS Psychology." — RSJ, GMA News