Hindi inaasahan ng cast at staff ng "Inday Will Always Love You" na mapapasabak sila sa matinding pag-ulan at pagbaha sa set sa Antipolo, kaya kinakailangan nilang itigil ang shoot at lumikas.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan, makikita sa video ang paglikas ng mga artista at staff dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig.

Sinabing bandang 7:00 p.m. noong nakaraang Biyernes nangyari ang pagbaha, ayon sa isang staff ng show.

Ilang minuto lang ang dumaan at lampas-tuhod agad ang baha.

Dahil dito, pinasan na ng guard si Kim Domingo samantalang napalusong si Buboy Villar sa baha.

Sa kabutihang palad, ligtas namang nakauwi ang mga nasa set.

Huling dalawang linggo na rin ng hit Kapuso series, kung saan hahantong sa aksidente ang huling tapatan nina Happylou at Erika sa tangka ng huli ng pananakit sa bida.

Ngunit tutulungan si Happylou ni Patrick. —Jamil Santos/NB, GMA News