Gabbi Garcia, ipinasilip ang ipinatayong bahay para sa pamilya
Ipinasilip ni Gabbi Garcia ang bahay na kaniyang ipinatayo para sa pamilya, na ayon sa kaniya ay isa sa kaniyang mga natupad na pangarap ngayong 20-anyos na siya.
"It feels so surreal pa din saka, you know, nakaka-rewarding din as anak, as a daughter,” sabi ni Gabbi sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles.
Ipinasulyap ni Gabbi sa GMA News ang naipundar niyang bahay bilang pagsukli sa kaniyang mga magulang.
Bukod dito, abala rin si Gabbi ngayon sa bagong Kapuso series na “Beautiful Justice,” kung saan gaganap siyang si Brie Cuevas na maganda, sexy, at isang tech genius.
"Si Brie ay isang hacker. Maarte siya pero beneath that surface na maarte siya, she's actually really smart, magaling siya sa technology and fiance niya 'yung character ni Derrick which is si Lance."
Gagamitin aniya ni Gabbi ang kaniyang pagiging hacker para makamit ang "Beautiful Justice."
Inamin ni Gabbi na challenging para sa kaniya ang role, kasabay ng iba-ibang intense training na kaniyang pinagdaanan kasama ang iba pang female leads na sina Yasmien Kurdi at Bea Binene.
"Nag-train talaga ako for like a couple of months in preparation for the show and everybody is really motivated and dedicated para mapaganda 'yung show. Tulungan siya eh,” saad ni Gabbi.
Level-up din ang girl power dahil napapasabak sila sa matitinding aksyon.
"Physically demanding, it's tiring, pero you know, you have to step up your game eh kasi hindi siya simpleng show. Hindi siya show na drama."
Para naman sa tamang portrayal ng PDEA, mayroon ding nakabantay na consultant sa kanilang taping.
"We also need to educate ourselves when it comes sa facts sa government, PDEA, kaya may nakabantay talagang PDEA,” ayon kay Gabbi.
Excited din si Gabbi dahil mayroon pa siyang sa ibang projects tulad ng kanilang Pista ng Pelikulang Pilipino entry at ang kaniyang pagba-vlog. —Jamil santos/LDF, GMA News