‘The Gift’ pilot episode, nag-trend worldwide
Naging usap-usapan worldwide ang pilot episode ng bagong Kapuso series na "The Gift," lalo na sa Twitter.
Sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News "Balitanghali" nitong Martes, sinabing magkakaibang emosyon ang agad na naramdaman ng fans sa episode na #TheGiftPagsubok.
Bago sama-samang panoorin ang sarili nilang series, nag-boodle fight muna ang crew at cast ng serye na kinabibilangan nina Alden Richards, Jo Berry, Mikee Quintos, Mikoy Morales, at Elizabeth Oropesa.
Natuwa sila sa final output ng pilot episode.
"Parang mas maganda talaga 'yung nakita namin sa screen, kumbaga maganda 'yung binabasa namin, maganda 'yung materials sa script. Pero nu'ng nakita namin siya, nu'ng tinahi-tahi na siya sa eksena, nu'ng na-edit, ang lakas ng dating," saad ni Alden.
Ginagampanan ni Alden ang karakter ni Sep, na isang visually-impaired na tindero sa Divisoria, na magkakaroon ng kapangyarihang makita ang nakaraan at hinaharap.
Sumailalim si Alden sa blind immersion training para maintindihan ang pinagdadaanan ng mga bulag. —Jamil Santos/LDF, GMA News