Wala man sa studio at nananatili sa kaniyang resort sa Puerto Galera, gumawa ng paraan si Kuya Wil para mapasaya pa rin ang mga kababayan sa pamamagitan ng kaniyang kauna-unahang online show na "Tutok To Win."

Sa Facebook at YouTube live nitong Huwebes, ipinaliwanag ni Kuya Wil na kailangang tumutok ng mga manonood sa "Wowowin" mula Lunes hanggang Biyernes ng 4:30 p.m. bago ang "Wowowin" sa telebisyon.

Magtatanong ang host ng mga detalye tungkol sa programa, at ang contestant na makasasagot ng tama, mananalo ng P5,000 hanggang P10,000.

Ang mga subscribers lamang sa Facebook at YouTube ng "Wowowin" ang tatawagan ng programa.

Nakatakda sanang gawin ni Kuya Wil ang "Tutok To Win" nitong Biyernes, pero nagpa-sample na siya ngayong Huwebes, at nanalo ng P5,000, bigas at jacket ang mga natawagan na nakatutok sa Facebook live ng programa.

Nagbago rin daw ang pananaw sa buhay ni  Kuya Wil dahil sa mga nangyayari ngayon dahil sa COVID-19 at community quarantine.

Panoorin ang video at alamin kung papaano makasasali sa programa at magkaroon ng pagkakataon manalo.-- FRJ, GMA News