ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

'Happy ToGetHer,' nabuo dahil sa malasakit ni John Lloyd sa mga katrabaho


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Mapapanood na sa Disyembre 26 ang world premiere ng inaabangang bagong sitcom ni John Lloyd Cruz na "Happy ToGetHer" sa Kapuso Network. Ang naturang proyekto, halos isang taon na pinag-usapan.

"Alam niyo naman 'yung pinanggalingan namin. Noong medyo nawalan lahat ng mga trabaho 'yung iba. Kinausap ko siya sabi ko, 'Lloydie puwede ba tayong gumawa, para matulungan mo naman kami at 'yung mga kasamahan natin? Sabi niya 'Sige direk, kung makatutulong ako, babalik ako," sabi ni "Happy ToGether" director Edgar Mortiz sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes.

Sa naturang sitcom, makakasama ni John Lloyd sina Carmi Martin, Ashley Rivera, Miles Ocampo, Jayson Gainza at marami pang iba.

"Bawat bagong opportunity is a new challenge for me. Siguro mas malaking challenge na nasa bagong bakuran tayo. It's challenging kasi siyempre nangangapa kami, 'yung aming grupo, 'yung aming pamilya," ayon kay John Lloyd.

"Kaya napakaswerte namin dahil 'yung assistance at 'yung paggabay at pagtulong nina sir Joey (Abacan) sa amin ay talagang hindi matatawaran. And 'yung opportunity na galing kay Ma'am Annette (Gozon), kay Mr. (Felipe) Gozon, araw-araw naming pinagpapasalamat," patuloy niya.

Halos isang taon din ang naging usapan para sa proyekto.

"Very excited kasi ang tagal naming pinag-usapan ito eh. Noong nakuha ko na 'yung mga na-tape nila, I am very, very happy. Talagang very confident that the Kapuso people will actually appreciate it and matutuwa sila roon sa mga episode," sabi ni GMA Network First Vice President for Program Management Joey Abacan.

Samantala, plano naman ni John Lloyd na makita ang kaniyang anak niyang si Elias sa Pasko.

"Sa Pasko, magkikita kami ng anak ko. Magkikita kami sa Pasko, makakadalaw ako sa kaniya. 'Yun na muna ang aking plano," sabi ni John Lloyd.

--Jamil Santos/FRJ, GMA News