Filtered By: Showbiz
Showbiz

National Artist tag will make Dolphy very happy


MANILA, Philippines – Labis na ikatutuwa raw ni Dolphy kapag natuloy ang hangarin ni Senador Manny Villar na mahirang siyang National Artist. Iyan ang inihayag ng Comedy King nang makausap siya ng mga host ng entertainment talk show na "Startalk" nitong Sabado. Guest sa studio ng "Startalk" nitong Sabado ang anak ni Dolphy na si Vandolph at asawa niyang si Jenny para hingan ng balita sa unang magiging apo sa kanila ng Comedy King. Sa gitna ng panayam sa mag-asawa, tinawagan ng show si Dolphy upang hingan ng mensahe sa bagong kabanata sa buhay ng kanyang anak na si Vandolph na kamuntik na noong masawi dahil sa isang aksidente. Dito na isiningit ng host na si Lolit Solis na makuha ang reaksyon ni Dolphy sa mungkahi ni Villar na igawad ng pamahalaan ang National Artist Award o Gawad Pambansang Alagad ng Sining kay Dolphy o Rodolfo Quizon sa tunay na buhay. "Isang karangalan naman 'yon," ayon sa hari ng komedya. "Bihira ang isang nagiging National Artist. Kung magkakatotoo ‘yan, ika nga, ‘yan na ang ultimate na, di ba?" Sinabi ni Butch Francisco na host din ng "Startalk" na nagbigay ng katiyakan si Villar – ninong sa kasal nina Vandolph at Jenny - na hindi titigil ang senador hanggat hindi naidedeklarang national artist si Dolphy. Noong pang 2007 sumulat si Villar sa tagapangulo ng Cultural Center of the Philippines (CCP) upang iendorso si Dolphy bilang National Artist. Kung pagbabatayan naman daw kasi ang Proclamation 1001 na nagsasaad ng panuntunan sa pagdeklara ng isang National Artist, sinabi ng senador na sobra-sobra na ang kuwalipikasyon ni Dolphy. Pero bakit nga ba masidhi ang pagnanais ni Villar na maging national artist si Dolphy? "Sabi ni Villar kayo raw po ang paborito niyang artista," pahayag ni Ricky Lo kay Dolphy na host rin ng show. Tugon ni Dolphy: "Thank you. Coming from him [Villar] isang malaking karangalan yun. Naging Senate president siya, saka kilalang tao ‘yan, marangal na tao." Bagong apo Biniro ni Joey de Leon, host din ng "Startalk," si Dolphy kung pang-ilang apo niya na ang dinadala ni Jenny. Bagaman hindi sigurado, hula umano ng komedyante ay pang-32 apo niya na ang magiging unang anak kay Vandolph at may 10 na raw siyang apo sa tuhod. Naging paulit-ulit rin ang paalala ni Dolphy kay Vandolph – anak niya kay Alma Moreno- na mag-ingat lagi sa pagmamaneho dahil na rin sa aksidenteng nangyari noon sa aktor. "Ingat lang kasi 'yan medyo kapag nagmamaneho ng auto tila may signos ng aksidente, [sabi ko] sa iba na lang kapag malayo ang biyahe, sa iba na ipamaneho. Dito ka na lang sa Maynila magmaneho," payo ni Dolphy. Ano naman ang payo niya sa mag-asawa ngayong magkakaroon na sila ng baby? "Sabi ko sa kanila ipagpatuloy ang pagmamahalan ‘pag mag-aaway kayo lapitan nyo ko, ayusin natin," ayon sa Comedy King. Labis naman ang pasasalamat nina Vandolph at Jenny sa kanilang ama na lagi raw nasa likod nila para patatagin ang kanilang pagsasama. At ano naman kaya ang planong ipangalan ng mag-asawa sa kanilang magiging anak? “Dolfina kung babae," ayon kay Vandolph. - Fidel Jimenez, GMANews.TV
Tags: dolphy