PEP: Eric Quizon returns to acting via All About Eve
Last February 24 ay nakita ng writer na ito ang actor-director na si Eric Quizon na kumakain sa Via Mare restaurant sa Tomas Morato, Quezon City, kasama ng kanyang manager na si Dolor Guevara at ang pamilya nito. Nagkagulatan kami na nasa Pilipinas siya dahil sa constant communication namin, ang alam namin ay sa Hong Kong na siya nagtatrabaho. Dahil papunta rin kami sa Hong Kong noong February 26, nagkasundo na lang kaming doon magkuwentuhan dahil lunch break lang siya sa bago niyang trabaho sa GMA 7, ang magbubukas na primetime soap na All About Eve. WORK IN HONG KONG. Tanghali ng February 29 sa Hong Kong ay nag-treat sa amin si Eric sa paboritong restaurant naman ng kanyang ama na si Dolphy at Kris Aquino kapag nandoon sila â ang Golden Bull Restaurant sa Ocean Terminal sa Kowloon side. Sa gitna ng mala-Lauriat na in-order ni Eric kami nagkakuwentuhan. Personal friend ni Eric ang nag-offer sa kanya ng trabaho sa Hong Kong. Common friend nila ng dating aktres na si Nanette Medved, na Hong Kong-based pa rin pala, taliwas sa balita na umuwi na si Nanette sa Pilipinas. "Matagal na akong sinasabihang mag-apply sa kanila, kaya lang busy rin naman ako sa Pilipinas noon," umpisa ni Eric. "Then, nang lumipat ako sa ABS-CBN, na-shelved naman yung Anna Liza, so sabi ko, asikasuhin ko muna yung libro at video ng daddy ko." Nai-launch ang biography ni Dolphy at nagkaroon din siya ng series of shows sa States. Nang muling nag-offer ang kaibigan niya dahil wala naman siyang ginagawa noong panahon na yun, tinanggap na rin niya ang trabaho. Sa Spring Time Stage Production nagtatrabaho si Eric bilang house producer. Chinese-owned ito at pinapalawak nito ang English "department" kung kaya't hindi na rin naman kailangang matuto ng Chinese si Eric. Kasama sa work package ni Eric ang libreng housing unit na tinitirhan niya sa Hong Kong side. Pagmamay-ari rin kasi ng Spring Time ang buong building na tinitirhan niya. Dagdag niya, "And then, since kilala nila ang dad ko, at alam nilang ako rin ang nag-produce ng US shows namin, sabi sa akin, bakit hindi dalhin si Dad sa Hong Kong para mag-perform." DOLPHY IN HONG KONG. Produced ng Spring Time, nabigyan kami ng flyer ng Dolphy at 80, Live In Hong Kong. Gaganapin ito sa April 19 at 2 p.m. sa Hong Kong Coliseum. Sa flyer, bale banner ang "The Philippines King of Comedy back to perform in Hong Kong after 50 years!" Almost 60 years actually mula nang huling nagpunta si Dolphy para mag-perform. "Kaya lang, maganda raw pakinggan kung 50 years," paliwanag ni Eric. "Hindi na niya matandaan kung saan siya nag-perform noon, pero 1950 raw yun. Nasa libro yun ni Dad." Makakasama ni Dolphy sina Zsa Zsa Padilla, siya at ang mga kapatid niyang sina Jeffrey, Ronnie, Zia, Vandolph, at pamangkin na si Boy2 Quizon. Mabenta raw ang tickets at hindi siya magugulat kung mapuno ang malaking Hong Kong Coliseum na pinagdarausan din ng mga foreign artists na nagpi-perform sa Hong Kong. Prominent din sa flyer ang tatlong Philippine companies na Smart Pinoy, Jollibee, at STI. "As part of the show, magbibigay ang Dolphy Foundation ng sampung scholarship, courtesy of STI. Para ito sa lahat ng mga dependents ng mga nagtatrabaho sa Hong Kong. As long as sa Hong Kong nagtatrabaho ang sasali, puwede kahit sino sa pamilya nila ang makakakuha ng scholarship sa Philippines," dagdag ni Eric. Sa dami ng assignment sa kanyang pinagtatrabahuhan, nabigyan na nga si Eric ng Hong Kong permanent resident status at ipinakita niya sa amin ang kanyang ID. ALL ABOUT EVE. Ang isinunod naming tanong: Bakit pa niya tinanggap ang All About Eve? "Ganito yun, nasa States ako, biglang may call sa akin, hindi ko naman kilala kung sino kaya hindi ko muna sinagot. Then, nag-text, si Edlyn [Tallada] pala, ang EP ng mga shows ko sa GMA noon na Darna at Majika. "Sabi niya sa text, nangangamusta lang daw siya, kaya sinagot ko siya, 'Alam mo, bigla rin kitang na-miss.' Tapos, nag-text back siya, nagbabakasali raw siya if I would like to join the cast of All About Eve. Sinabi niya agad ang cast, sina Eula [Valdes], Jean [Garcia] at Richard [Gomez]... Sabi ko, 'Ang lalaki, ang ganda sana. Kaya lang may work na ako rito.' "Sabi niya, 'No problem, Direk, we will work around your schedule.' Makakatanggi pa ba ako? Pito na kasing shows ang natanggihan ko, ang karamihan dito, directing. "Iba kasi kapag directing, you have to be on everything. As a director, you cannot just leave the show kapag kailangan ka sa Hong Kong. Yung iba namang offers, acting din kaso mahirap na nga dahil sa trabaho ko. "Sabi ko sa kanila, I have to be here during weekends and start of the week dahil that time ako pinaka-busy. Okay raw. Sabi ko, there are weeks na hindi ako pupuwede, okay rin daw. Paano pa ako makakatanggi?'" mahabang lahad ni Eric. Tuesday and Thursday ang taping days ni Eric para sa All About Eve. Last flight ng gabi ng Lunes siya umaalis sa Hong Kong at first flight ng Friday naman siya bumabalik. "I play Robert, the network president. Anak ko si Mark Anthony Fernandez at ina ko si Carmen Ronda, na by the way looks good, ha. Ang ganda ng papel ko. Natanong ko nga si Edlyn, kung sakaling hindi ko ito tinanggap, sino ang second choice? Wala raw, ako lang daw ang choice, so talagang flattered ako," saad niya. - Philippine Entertainment Portal