What convinced Marian to pose in a two-piece bikini?
Noong isang taon pa inaabangan ng mga tagahanga si Marian Rivera na mag-pose ng seksi sa mga men’s magazine. Pero ano nga ba ang dahilan at napapayag siya kamakailan na mag-pictorial nang hindi lang seksi kundi naka-two piece bikini pa? Sa Chika Minute portion ng "24 Oras" nitong Martes, sinabing pumayag si Marian na maging cover girl na naka-two-piece swimsuit sa isang babasahin dahil hindi ito ikinukonsiderang men’s magazine. “Ako rin sa sarili ko gusto ko ring subukan ang bagong experience na ganun,” pahayag ni Marian, na gumaganap bilang Proserfina sa soap na “Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang.” Ano naman kaya sinabi ng kanyang ka-love team na si Dingdong Dantes sa ginawa niyang pagpo-pose nang naka-two piece? “Hindi pa niya nakikita,” nahihiyang tugon ng seksing aktres. Aminado si Marian na patindi nang patindi ang mga mapangahas na eksena na ginagawa nila ni Dingdong sa “Hinugot…,” at maging siya man daw ay nagugulat sa mga ginagawa ng kanyang karakter. “Oo kasi minsan on the spot nire-revise yung script,” kuwento ng dalaga. Ibinalita rin ni Marian ang pagbabago sa nakatakda sanang pagtatagpo nila ng kanyang amang kasalukuyang nasa Spain. Ani Marian, siya raw ang mag-aadjust ng schedule upang matuloy ang pagkikita nilang mag-ama. “Mas gusto ko na ako ang pupunta sa kanya,” ani Marian. - Fidel Jimenez, GMANews.TV