Life goes on for Francis Magalona's wife, 8 kids
Life goes on para sa pamilya Magalona matapos ang biglaang pagpanaw ni Master Rapper Francis Magalona, na inilibing nitong Miyerkules sa Loyola Memorial Park sa Marikina City. Sa isang press conference matapos ang burial rites, aminado ang biyuda ni Francis na si Pia na mabigat na dagok sa buhay nila ang pagpanaw ng kanyang asawa. Sa kabila nito, nananatili umano siyang matibay alang-alang sa kanilang walong anak. "Life goes on. We have a set routine and na-guide naman ang mga anak namin ng kanilang ama," ani Pia. Sumakabilang-buhay si Francis noong nakaraang Biyernes matapos ang ilang buwang pakikipaglaban sa sakit na leukemia. Composed at kalmado si Pia sa kabila ng nangyari, kaya naging tanong ng marami kung papaano nga ba niya kinakaya ay pagpanaw ng asawa? "Well, strong ako kasi nakikita kong maraming nagmamahal sa kanya, so I’m not really alone in this. Plus, to start with, marami kaming anak," aniya. Ang mag-asawang Magalona ay binayayaan ng walong – sina Unna, Niccolo, Frank, Saab, Elmo, Arkin, Clara, at Maxene, na kadalasan ay nagsisilbing spokesman nilang lahat. Ayon kay Pia, walang huling habilin sa kanya si Francis, pero nagpasalamat daw ito sa kanya sa pagpapalaki ng kanilang mga anak. "I treasure that so much dahil kahit sabihin ‘yun ng ibang tao… Pag nanggaling ‘yun sa ama ng mga anak mo, sa asawa mo eh talagang napakalaki. Importante ‘yun para sa isang ina,” sabi niya. “So dahil alam ko ‘yun na na-appreciate niya talaga ‘yung pagpapalaki ko as a mother, including him as my partner, ipagpapatuloy ko pa rin kung ano ‘yung values na nakuha namin sa isa't-isa,” dagdag pa niya. Bukod sa pagiging isang mabuting kaibigan, katrabaho, asawa, at ama, makabayan din si Francis, ayon pa kay Pia. “Sabi niya, pag mahal mo ‘yung bayan mo, everything will follow.” Sa parehong press conference, sinabi ni Maxene na ipagpapatuloy nilang magkakapatid ang legacy na iniwan ng ama. “Lahat naman kami gusto namin ipagpatuloy. Feeling namin tapos na talaga yung mission ni papa kasi ang dami na niyang ginawa pero lahat kami inspired how he moved his life. He inspired each and every one of us. So [ang] gagawin naming, we'll try to do everything we can with our lives. Sana ganon din ang lahat ng mga sumusuporta sa kanya kasi ganon naman ang gusto niya,” ani Maxene. Nagpasalamat naman ang mag-ina sa lahat ng mga nagawa ni Francis para ma-itaguyod ang kanilang pamilya. “There was a time when Francis was lost, and like anyone marami siyang pagkakamali pero binago niya ‘yung mga pagkakamali niya. Then mula noon nagustuhan niya ‘yung pagiging ama niya tapos nagpunta pa sa siya sa mga fatherhood seminars para matutong magampanan at his best ang kanyang pagiging ama. I want to thank him for that dahil, as you see, kahit wala na siya nandoon pa rin sa mga anak niya, ‘yung mga alaala kung paano niya pinagbuti ‘yung mga pagkakamali niya,” ani Pia. - GMANews.TV