Dolphy so happy his ex Alma Moreno is married
Kahit naunsyami ang kasal niya kay Zsa Zsa Padilla, masaya raw si Dolphy para sa dati niyang partner na si Alma Moreno na ikinasal kamakailan sa alkalde ng Marawi. Nakapanayam ng entertainment press nitong Biyernes si Dolphy matapos niyang tanggapin ang parangal na Outstanding Artist in the Golden Years of Service sa Malacanang. Ang parangal ay ibinigay sa kinikilalang RP's King of Comedy ng National Commission for Culture and Arts at Philippine International Theater Institute. Masayang-masaya si Dolphy sa tinanggap na award na nakamit niya sa loob ng 65-taon sa larangan ng showbiz. "Maganda na hanggat uuga-uga ka na e naa-appreciate mo pa yung ika nga naibigay mong achievement, di ba?" pahayag niya sa 24 Oras nitong Biyernes. Noong pang 2007 inirekomenda ni dating Senate President Manny Villar na igawad ng pamahalaan kay Dolphy ang pinakamataas na pagkilala sa Comedy King bilang National Artist ng Pilipinas. Iginiit ni Villar na nakamit na ni Dolphy ang lahat ng requirements para kilalaning National Artist at makabubuting ipagkaloob na ito sa kanya habang malakas pa. Sa kabila ng kanyang edad, sinabi ni Dolphy na wala pa siyang balak na magretiro. Patuloy raw siyang aarte at magtatanghal kung kaya pa niya. Tungkol sa personal na buhay, sinabi niyang maligaya siya kahit hindi natuloy ang plano nilang pagpapakasal ni Zsa Zsa. "Actually kami hindi na namin inaasahan yun, tutal ganun din naman ang pagsasama namin parang higit pa sa ikinasal. So â¦ganun ang attitude namin," aniya. Tuwang-tuwa si Dolphy nang malaman na nakasal na ang dati niyang partner na si Alma sa alkalde ng Marawi na si Sultan Fahad Salic. "Congratulation kay Ness. Nabalitaan ko nga kay Vandolph⦠nasa Cebu sila, dun sila ikinasal, congratulations. I'm happy for her," ayon kay Dolphy na wala raw ibang hangad kundi ang kaligayahan ng ex-partner. "Basta kinakailangan magsaya siya, di ba? Hanggat ika nga e may anghang pa tayo pareho-pareho, di ba?" natatawa nitong pahabol. - Fidel Jimenez, GMANews.TV