ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Tibok ng Kapuso!


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Kapag ipinagyayabang ko sa aking mga estudyante ang mga artikulo kong lumalabas sa GMANews.TV, agad nilang sasabihin na, “Sir, Kapuso pala kayo ha." Natitigilan ako at napapaisip, “Kapuso nga ba talaga ako?" Dito kasi sa atin, nahahati lamang sa dalawang grupo ang mga manonood ng telebisyon: Kapuso o Kapamilya. Sa ngayon may humahabol na pangatlong grupo— ang Kapatid – ngunit ilang taon pa siguro bago ito makasali nang totohanan sa kumpetisyon. Isa akong die hard na Sharonian. Noong nasa hayskul at kolehiyo ako, nang-aaway ako ng mga nanlalait kay Sharon Cuneta. Kamag-anak man o kaibigan, kapag may hindi magandang sinasabi tungkol kay Sharon ay makatitikim ng maanghang kong mga salita! Kahit saang channel mapunta ang show ni Sharon noon, sinusundan ko. Ibig sabihin ba nito ay Kapamilya na ako? Love na love ko rin si Piolo Pascual. Maraming umaga na nagigising ako na kumbinsidong-kumbinsido na nasa tabi ko lang siya at mahimbing pa rin ang tulog. Hindi rin Kapuso si Piolo, ibig sabihin ba nito ay taksil ako sa mga kapwa ko Kapuso? Ito siguro ang mga dahilan kung bakit natitigilan ako kapag “inaakusahan" ako ng mga estudyante ko na ako’y isang Kapuso. Pero kung tutuusin, Kapuso naman talaga ako, nagsusulat man ako o hindi sa GMANews.TV. Paboritong palabas Gusto ko ang 24 Oras dahil pinaninindigan nito ang slogan na, “Walang Kasinungalingan, Walang Kinakampihan, Serbisyong Totoo Lamang!" Ito lang ang pinanonood kong newscast.

Kapag Sabado ng hapon, hindi mo ako puwedeng imbitahang lumabas. Nakalaan kasi ang oras na ito sa panonood ko ng Wish Ko Lang ni Vicky Morales. Ito kasi ang “catharsis moment" ko. Magaling ang show na ito sa pagpapalabas na tunay na kalagayan ng ating bansa.
–John Iremil E. Teodoro
Ilang beses na kasi akong nakapanood (kapag nasa bus ako o nasa bahay ng mga kaibigan na hindi Kapuso) ng pagbabalita mula sa ibang mga newscast sa prime time na hindi kumpleto ang 5 Ws at 1 H (what, where, when, who, at why, at how). Bukod pa rito ay mistulang outline lamang ang binasang balita. Mayroon din na mas pinahahalagahan pa ang mga balitang sensational tungkol sa rape o pagpatay kaysa mga tunay na pambansang isyu. Kahit may tatlo akong matalik na kaibigan na naiingayan kay Mike Enriquez, hindi hamak na mas kapani-paniwala siyang tagabasa ng balita kaysa mga guwapo sa ibang mga estasyon. Siyempre si Mel Tiangco, sa Mel & Jay pa lamang niya noon sa kabilang estasyon, ay hindi na matatawaran ang kredibilidad. Kapag Sabado ng hapon, hindi mo ako puwedeng imbitahang lumabas. Nakalaan kasi ang oras na ito sa panonood ko ng Wish Ko Lang ni Vicky Morales. Ito kasi ang “catharsis moment" ko. Magaling ang show na ito sa pagpapalabas na tunay na kalagayan ng ating bansa. Nitong Sabado lang, iyak ako nang iyak sa kuwento ng isang nanay sa Sultan Kudarat na nilalangoy ang malalim at maagos na ilog sa umaga’t hapon, sa araw-araw upang maihatid at masundo sa paaralan ang dalawang anak. Kasabay nito ay makapagbenta na rin ng mga gulay mula sa maliit niyang hardin. Kaya nga kapag makasalubong ko sa Vicky Morales, sisigawan ko talaga siya ng, “Hoy, babae! Pinapaiyak mo ako kada Sabado!" Siyempre yayakapin ko siya at hahalikan, at magpapakuha ako ng litrato kasama siya. Gustong-gusto ko rin ang dating SOP (na Party Pilipinas na ngayon) kapag tanghali ng Linggo. Dito kasi totoong kantahan talaga ang nangyayari. Hindi idinadaan sa porma o sa nakakahilong galaw ng kamera. Magaling kasi talagang mang-aawit sina Regine Velasquez, Ogie Alcasid, Jaya, at Janno Gibbs. Ang mga guest nila talagang mga magaling na mang-aawit. Palagi kong inaabangan si Gerald Santos na ang album na, “A Day on the Rainbow" ay paulit-ulit kong pinakikinggan. Siya yung bata na mamang-mama ang dating ng boses. Ito ang gusto ko sa SOP—ang tunay at dalisay na kantahan ng mga totooong mang-aawit. Kaya nga hindi ako masyadong masaya sa Party Pilipinas dahil parang ginaya lang nito ang nasa ibang estasyon na maingay, magulo, at nakakahilo ang camera work. Nahidlaw talaga ako sa SOP. Adik ako sa Unang Hirit. Noon pa mang nasa Puerto Princesa City, Palawan pa kami nakatira, hindi makukumpleto ang umaga ko kung walang Unang Hirit. Naaalala ko pa ang maamo at napakagandang mukha ni Micky Ferriols na talagang sumasabay sa pagsikat ng araw para magbigay ng liwanag at saya sa aking umaga. Hanggang ngayon ay adik pa rin ako, kaya nga kapag may klase ako sa umaga, 4:30 ng madaling araw ako nagigising at inaabangan ang pagbubukas ng Unang Hirit sa 5:15. Habang naliligo ako ay binubuksan ko ang pinto ng banyo upang marinig ko pa rin ang boses nina Arnold Clavio, Lyn Ching, Susan Enriquez, Suzie Entrata, at iba pang katropa nila. Tuwang-tuwa rin ako kapag nandiyan si Mareng Winnie Monsod upang bigyang liwanag ang ilang politikal na isyu lalo na ang may mga direktang kinalaman sa ekonomiya.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV GMA 60th anniversary Kaya noong makita ko ang patalastas tungkol sa palabas na GMA@60: The Heart of Television na gaganapin sa Araneta Coliseum, talagang nangulit ako na makakuha ng tiket para maisulat ang pagtatanghal ng mga paborito ko. Hayun, noong Hunyo 18, Biyernes, 8:00 ng gabi, nasa Araneta Coliseum ako sa unang pagkakataon. Opening number pa lang, nandoon na ang lahat ng gusto kong makita: Aljur Abrenica, Enzo Pineda, Dennis Trillo, at siyempre…si Regine Velasquez na ang mga awitin, kasama ng mga awitin ni Sharon Cuneta, ay mga theme song ko sa aking mga pakikipagsapalaran sa larangan ng pag-ibig. Naloka rin ako sa number nina Ogie Alcasid at Michael V. na naka-cross dress at classical music ang kinanta. Si Michael V. ang tipo ng komedyante na hindi gumagamit ng slapstick at toilet humor para makapagpatawa lang. Palaging witty ang kaniyang mga biro. Lumabas pa ang diyosa na si Celia Rodriguez na nakaitim na gown na eleganteng-elegante. Mistula siyang diwata nang lumutang at lumubog siya sa entablado nang gabing iyon. Gusto ko rin ang number ni Frencheska Parr. Kinanta niya ang “Nais Ko" ni Ryan Cayabyab. Naka-gown siya na maraming mga gayak na pira-pirasong kristal at nakatuntong sa isang metal na tore. Parang nag-isa ang kagandahan ng nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap sa kaniyang katauhan nang gabing iyon. Napakaganda ng boses niya. Sayang nga lamang at hindi ganoon ka-ganda ang pelikulang Amir na siya ang bida. Pamatay rin ang boses at galing ni Eva Castillo sa pagkanta. Ang ganda ng rendisyon niya ng “Kung Aagawin Mo ang Lahat sa Akin." Siyempre ang totoong dahilan kung bakit nangulit ako ay si Gerald Santos, na inawit nang gabing iyon ang isang kanta ni Sharon Cuneta, ang “Sinasamba Kita." Kalahok pa lamang si Gerald sa Pinoy Pop Superstar ay tagahanga na niya ako. Habang nasa taxi ako pauwi nang gabing iyon, tinig ni Gerald ang nauulinigan ko sa pinakasulok ng aking tainga na tumatagos sa aking kasingkasing. Ang kasingkasing ay salitang Kinaray-a (gayundin sa Sebuwano, Hiligaynon, at Waray) na ang ibig sabihin ay “puso." Sa pagkakataong ito nais kong gamitin ang kasingkasing dahil mas masaya, mas may musika (kaya nga sing-sing di ba?)—angkop na gamitin na pantawag puso ng isang Kapuso na puno ng saya. Bilang Kapuso, nakikiisa ako sa selebrasyon ng ika-60 na anibersaryo ng GMA7. Kung ako ang tatanungin, ang tunay na kontribusyon ng GMA7 sa larangan ng telebisyon at sa kultura ng bansa ay ang makatotohanang pagbabalita at serbisyong publiko, ang magandang musika mula sa mga tunay na mang-aawit, at ang pagiging kabarkada tuwing umaga. - John Iremil E. Teodoro, GMANews.TV