ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kris Aquino says she hasn't yet met PNoy’s latest date


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Larawan mula sa video ni Girlie Rodis.
Hindi pa umano nakakaharap ng television host-actress na si Kris Aquino ang babaeng sentro ngayon ng atensiyon ng publiko matapos maka-date ng kanyang kuya na si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. Sa kanyang tweet nitong Huwebes, sinabi ni Kris na tanging ang kanyang mga anak na sina Joshua at Bimby, ang nakilala ng babae na pinangalanang si Bunny Calica, nang magpunta ang huli sa Bahay Pangarap na tinutuluyan ni Aquino. Batay sa ulat na lumabas sa pahayagang Inquirer nitong Huwebes, inimbitahan ni Aquino ang dalaga na maghapunan sa kanyang tinutuluyan. Nagkataon na nandoon ang dalawang bata na inihabilin ni Kris dahil kailangan nitong mag-out-of-town. Sa kabila ng pangakong mananahimik tungkol sa lovelife ng kanyang “Kuya Noy," sinabi sa ulat ng Inquirer na si Kris ang nagkuwento tungkol sa pagtatagpo ng kanyang mga anak at ang babaeng sinasabing nagpapangiti ngayon sa 51-anyos na pangulo. “I read Inquirer's front page- won't deny bimby's comments to his tito Noy- his yaya heard him & was trying to keep him quiet," pahayag ni Kris sa kanyang tweet. Dagdag pa ng bunsong kapatid ng pangulo: “I've kept my promise- totally been silent about my kuya's love life. Honestly, I haven't met her, only josh & bimby have. Not that my opinion matters, but a woman who is friendly w/ my sons will find it easy to find a friend in me."
Iniulat na simpleng manamit ang 27-anyos na si Calica, tubong Cebu at isang guro. Sa GMA news 24 Oras nitong Huwebes, sinabi ni presidential spokesman Edwin Lacierda na lubos ang pag-asam ni Aquino na magkaroon siya ng privacy sa personal na buhay lalo na sa lovelife. Unang nasilayan ng publiko si Calica makaraang lumabas sa media ang larawan nito bilang “mystery date" nang makunan na kasama siya sa lamesa ni Aquino sa reunion concert ng bandang Hotdog sa Dusit Thani Hotel sa Makati City noong Lunes. Sinabi ni Lacierda na maging ang ibang nakakasama ni Aquino sa mga pribadong pagtitipon ay humihiling din na huwag makunan ng camera dahil hindi rin sanay ang mga ito sa atensyon ng publiko. Hindi ito ang unang pagkakataon na pinagpistahan ang lovelife ni Aquino mula sa dati niyang kasintahan na si Valenzuela Councilor Shalani Soledad, at sa iba pang babae na naugnay sa kanya tulad nina Liz Uy at Len Lopez. - FRJImenez, GMA News