Maricel Soriano breaks silence on physical-abuse case
Itinanggi ni Diamond Star Maricel Soriano ang paratang ng dalawa niyang dating kasambahay na sinaktan at pinagmalupitan niya ang mga ito. Iginiit ng batikang aktes na nahuli niya ang isa mga ito na ginagalaw ang kanyang personal na gamit. Sa ulat ni Glen P. Sibonga na lumabas sa Philippine Entertainment Portal nitong Sabado, sinabing ang pagtanggi ni Maricel sa mga akusasyon ay nakapaloob sa counter-affidavit nito. Sa pagsipi ni Sibongan sa naging ulat ng showbiz reporter na si Mario Dumaual, inamin umano si Maricel na napagsalitaan niya ang mga kasambahay na sina May Cachuela at Camille Acojedo. Ngunit iginiit ng aktres na walang katotohanan sa alegasyon na sinipa niya ang isa sa mga ito. Wala naman daw medical certificate na magpapatunay sa alegasyon na nanakit siya. Hinaing ni Maricel, ang kanyang karapatan ang nalabag dahil sa hindi naging patas ang pagtimbang sa kaso. Ginawa lamang umano ito para siya gipitin at pagtangkaang kikilan. Natural din lang umano na makapagsalita siya ng masakit matapos na makita niya si Cachuela na hawak ang kanyang wallet at tila inaalam ang laman. Hindi rin umano totoo na pinagbantaan niya ang mga dating kasambahay na ikukulong sa kuwarto. Kasinungalingan din umano na nagbanta siyang kukuha ng baril dahil wala siyang baril sa kanyang bahay. Si Maricel ay nahaharap sa kasong grave threat, unjust vexation, slander, oral defamation at physical injuries. Noong Hulyo, inakusahan ni Cachuela si Maricel na biglang nag-init ang ulo at pinagmumura sila at sinaktan nang ipaayos sa kanya ang mga gamit na dadalhin ng aktres sa isang studio recording. (Basahin: Maricel Soriano’s ex-maid: ‘Dinirty finger niya po kami’) Ilang beses nagpatawag ng pulong ang barangay sa Makati na nakasasakop sa bahay ni Maricel pero hindi dumadalo ang aktres kaya iniakyat na ang reklamo sa Makati Prosecutor's Office. - FRJimenez, GMA News