Pagkamatay ni Ram Revilla, ‘di pa ipinapaalam sa amang si ex-Sen Revilla Sr
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng pagpatay sa batang aktor na si Ram Revilla, anak ni dating Sen Ramon Revilla Sr. at half-brother ni Sen Bong Revilla. Si Ram ay pinaslang dakong 11:30 pm nitong Biyernes sa kanyang bahay sa BF Homes sa Parañaque. Batay sa mga naglabasang ulat, nagtamo ng mga saksak sa katawan at isang tama ng baril ang batang Revilla, na hindi na umabot ng buhay sa Parañaque Medical Center. Sugatan naman sa tama ng bala sa mukha ang kasintahan ni Ram na si Jonelle Manahan. Sa ulat ng Balitanghali nitong Sabado, sinabing hinigpitan ng pulisya ang pagbabantay kay Jonelle na maaaring makapagbigay linaw sa naganap na krimen. Ligtas naman ang kapatid na babae ni Ram na si Ramona na tinangay ng suspek nang tumakas ito palabas ng subdibisyon.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ayon kay Ramona, nakita niya ang kapatid na nakikipagtalo sa isang lalaki na may suot na bonnet. Kasunod nito ay nagkaroon ng kaguluhan at tumakbo si Ram sa loob ng kuwarto na duguan na. Tinangay umano siya ng suspek at pinagbantaan na papatayin kapag naging magulo sa loob ng sasakyan. Matapos ang ilang oras na paikot-ikot ang sasakyan ay ibinaba siya ng suspek sa hindi nabatid na lugar. Nakahanap ng pulis si Ramona na nagdala sa kanya sa presinto ng Las Pinas. Kaagad naman nagtungo sa himpilan ng pulisya si Sen Bong para makita si Ramona. Dito lang nalaman ni Ramona na patay na si Ram. Inihayag naman ng isang tanod na nakatanggap sila ng timbre na may narinig na kaguluhan sa bahay ni Ram kaya agad nila itong pinuntahan. Gayunman, hindi na nila inabutan sa bahay ang suspek. Sinabi naman ng mga kasambahay ni Ram na wala silang narinig na putok ng baril. Wala ring napansin na kahina-hina ang mga guwardiya sa mga pumasok sa subdibisyon. Dahil naman sa kondisyon ng kalusugan ng nakatatandang Revilla Sr., sinabi ni Sen Bong na hindi pa nila naipapaalam sa kanilang ama ang nangyari kay Ram. May plano raw si Ram na tumakbong konsehan sa Cavite sa susunod na halalan. Nanawagan din ang senador sa pamahalaan at pulisya na paigtingin ang kampanya laban sa kriminalidad. Si Ram ay naging contract star ng GMA Artist Center at lumabas sa pelikulang Anak Ka ng Tatay Mo (2004); Exodus (2005) at Resiklo (2007), na pawang pinagbidahan ni Sen Bong. - FRJImenez, GMA News