ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Anak ni Robin Padilla na si Queenie, titigil na sa pag-aartista


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Queenie Padilla sa KSA – Kuha ni Manal Bayoumi
Matapos magsagawa ang Hajj sa Makkah sa Saudi Arabia, ipinahayag ni Queenie Padilla -- anak ng action star na si Robin Padilla -- ang desisyon niyang tumigil na sa pag-aartista. Si Queenie ay panganay na anak ni Robin sa dating asawa na si Liezl Sicangco, na naninirahan na ngayon sa ibang bansa. Sa panayam kay Queenie sa Jeddah noong nakaraang linggo, sinabi nito na ang desisyong na huminto sa pag-aartista ay bilang pagsunod sa kautusan ng relihiyong Islam. Ikinuwento niya ang mga bilin sa kanya ng inang si Liezl tungkol sa pagbabawal sa mga babaeng Muslim na magpakita ng katawan, halimbawa ng pagsusuot ng maiigsing damit. Pinag-isipan daw niya ito nang husto hanggang sa makapagdesisyon siyang sundin ang kautusan upang mamuhay ng tama. Masayang ikinuwento rin ni Queenie ang kanyang naging mga karanasan sa unang pagkakataon na makapag-Hajj siya sa KSA. Excited at emosyunal daw ang dalaga nang nakarating siya sa mga banal na lugar sa Saudi Arabia. Itinuturing niyang dream come true ang karanasan na ito. Gayunman, may bahagyang lungkot ang dalaga dahil hindi niya nakumpleto ang kanyang ritwal dahil sa personal na kadahilanan. Ngunit nagpahayag si Queenie na muling babalik para sa Hajj upang maisagawa ang mga ritwal na hindi nito nakompleto. Ginusto raw niyang mag-Hajj dahil bukod sa pagtupad ito sa obligasyon ng isang Muslim ay gusto niyang mas mapalapit kay Allah. Umaasa siya na tanggapin ang kanyang Hajj dahil nais niyang maalis ang kanyang mga kasalanan. Gusto rin daw niyang magbagong buhay at dahil sa Hajj ay uuwi siya sa Pilipinas na parang isang bagong silang na sanggol. Sinabi ni Queenie na masaya at kontento na siya sa kanyang buhay ngayon dahil kay Allah. Plano niyang bumalik sa pag-aaral sa kolehiyo at palawakin ang kanyang kaalaman sa relihiyong Islam. Pinasalamatan ni Queenie ang kanyang mga tagahanga sa suporta sa kanya sa showbiz at umaasa siyang mamahalin pa rin siya ng mga ito kahit na siya artista. Lubos din ang pasasalamat ng dalaga sa amang si Robin (na isa ring Muslim) dahil ito ang nagpakilala sa kanya sa relihiyong Islam. -- Ronaldo Z. Concha/FRJ, GMA News