ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Willie Revillame, natuwa sa ginawang panggagaya sa kanya ni Jose Manalo sa Eat Bulaga


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi nagalit at sa halip ay natuwa pa si Willie Revillame kay Jose Manalo at sa iba pang “Dabarkads" ng Eat Bulaga nang gayahin siya nito sa naturang longest-running noontime show sa bansa na napanood sa GMA-7 noong Sabado. Nagsimula ang panggagaya ni Jose kay Willie nang magkamali ng banggit ng pangalan ng pasasalamatan ang napili nila sa sikat na segment na “Sugod Bahay." Sa halip na pangalan ni Wally Bayola (co-host ng Eat Bulaga at kasama ni Jose sa segment) ang pasalamatan, ang nabanggit ng nanalo ay pangalan ni Willie na host na ngayon ng Wil Time Bigtime. Dito na nagsimulang gayahin ni Jose ang mga mannerism ni Willie gaya sa pagkanta, pagsayaw at iba pa. Maging ang mga kasama ni Jose na sina Wally at Paolo Ballesteros ay ginaya na rin ang iba pang kasama ni Willie sa kanyang show. Hindi naman nagpaiwan sina Vic Sotto at Joey De Leon na kapwa nasa-studio at nakisali rin sa kasiyahan ginagawang pag-impersonate ng tatlo sa grupo ni Willie. Tinawag pa ni Vic ang kanilang programa na Eat Bulaga Bigtime! Ang naturang eksena sa Eat Bulaga ay naging trending topic sa Twitter nung Sabado. Sa ulat ni Glen P. Sibonga na lumabas Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Lunes, sinabi nito na kinagabihan nung Sabado, nagkamali rin ng pinasalamatan ang contestant nila na miyembro ng Philippine Army. Sa halip na TV station kung saan ipinapalabas ang Wil Time Bigtime, ang nabanggit na pinasalamatan ay ang dating home network ni Willie. Kaagad namang nag-sorry ang guest sa pagkakamali at sinabi naman ni Willie na okey lang naman iyon. Kasunod nito ay binanggit ni Willie ang nangyaring panggagaya sa kanya sa Eat Bulaga!. "Alam n'yo, kanina sa Eat Bulaga!, nagpasalamat din sa akin [yung winner] at sa Wil Time Bigtime," aniya. "Pero ang ginawa nina Vic Sotto, nina Joey (de Leon), ng lahat, ina-appreciate naman nila yung ating programa at in-appreciate naman ako." Sinabi ni Willie na karangalan para sa kanya na mabanggit siya sa number one at hindi natatalong noontime show . "Naalala n'yo yung 'Singing Soldier'? Sila lang po ang nakaisip niyan. Ginaya na lang ng lahat iyan," ayon kay Willie. "Saludo ako sa Eat Bulaga! dahil walang personalan." Ikinatuwa rin niya ang ginawang pagkanta ni Jose sa kanyang awitin na 'Ikaw Na Nga,' at maging ang iba pang segment ng show niya. "Karangalan po namin na Tito, Vic at Joey, at Dabarkads sa Eat Bulaga!, e, kami ay mabanggit," patuloy ni Willie. "Ibig sabihin nun po, maganda ang ginagawa ng programang ito. Eat Bulaga! pa." Pero bago matapos ang eksena sa nagkamali niyang contestant, may pahabol na biro pa si Willie sa kanya: "Ganun din iyan. Kaya lang, sana Channel 7 ang binati mo." - FRJ, GMA News