Oyo Sotto, tutol sa umano’y Vic Sotto-Pauleen Luna romance
Hindi galit, pero hindi rin aprubado kay Oyo Sotto ang napapabalitang romantikong relasyon ng kanyang ama na si Vic Sotto at young actress na si Pauleen Luna. Ang pahayag ni Oyo ay ginawa nang hingan ito ng paglilinaw tungkol sa isa niyang tweet na may pasaring sa “taong emeepal" sa kanilang pamilya. Ilan sa mga nakabasa sa nasabing tweet ay naghihinala na baka si Pauleen ang pinapatamaan ni Oyo dahil sa mga balitang lumalabas na ito ang karelasyon ngayon ng kanyang ama. Pero sa panayam ng entertainment reporter na si Rommel Gonzales na lumabas sa showbiz news website na Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Sabado, tumanggi si Oyo na magbanggit ng pangalan kung sino ang pinapatungkulan ng kanyang tweet. "Ewan ko. Sabi ko nga kasi, kung sino yung tamaan, siya yun," ayon kay Oyo. Pero nang tanungin kung tutol ba siya (kung totoo man) ang relasyon ng kanyang ama na si Vic kay Pauleen, diretsang sinabi ni Oyo na, “Ayoko talaga. Iyon lang, ayoko talaga." Para kay Oyo, masyadong bata si Pauleen para sa kanyang ama. Kung tutuusin, mas bata pa si Pauleen (26-anyos) kay Oyo (28-anyos). Nilinaw din ni Oyo na walang kinalaman ang umano’y naging iringan noon ni Pauleen kay Kristine Hermosa, na misis na ngayon ni Oyo. Ang naturang iringan umano noon nina Pauleen at Kristine ang dahilan kaya lumipat ng ibang network ang una. Ayon sa aktor, hindi siya galit kay Pauleen at sa kanyang ama pero hindi siya sang-ayon na maging magkarelasyon ang dalawa kung totoo man. Matipid na tawa naman ang itinugon ni Oyo nang tanungin kung talaga bang magkarelasyon nga sina Vic at Pauleen. “Si daddy tahimik lang e," natatawa umanong reaksyon ni Oyo. Sinabi pa ni Oyo na hindi naman daw siya kinausap ng kanyang ama tungkol sa kontrobersiyal niyang tweet. – FRJ, GMA News