Oyo Sotto, tatanggapin daw sinuman ang mamahalin ng daddy niyang si Vic Sotto
Sakabila ng lantarang pagtutol sa napabalitang romantikong ugnayan nina Vic Sotto at Pauleen Luna, inihayag ni Oyo Sotto na tatanggapin niya ang sinumang mamahalin ng kanyang ama. Sa artikulong isinulat ni Rey Pumaloy na lumabas sa Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Huwebes, muling inusisa ng showbiz press si Oyo tungkol sa nauna niyang pahayag noon laban sa napabalitang nagkakamabutihan na ang kanyang amang si Vic at co-host nito sa Eat Bulaga na si Pauleen. Isa sa mga pinuna noon ni Oyo ay ang malayong agwat ng edad ng kanyang ama na lampas 50-anyos na, samantalang mahigit 20-anyos naman si Pauleen. (Basahin: Oyo Sotto, tutol sa umano’y Vic Sotto-Pauleen Luna romance) Mula nang lumabas ang kanyang saloobin tungkol sa nasabing isyu, sinabi ni Oyo na hindi pa rin nila ito pinag-uusapan ng kanyang ama, at maging ng kanyang ina na si Dina Bonnevie. Madalang din daw silang magkitang ama dahil masyado itong abala. Paglilinaw muli ni Oyo, hindi siya galit kay Pauleen at nandoon pa rin ang respeto niya sa batang aktres. Kaya wala naman daw problema sakaling magkita sila o pormal itong ipakilala sa kanya ng ama. Sakabila ng lahat, sinabi ni Oyo na handa siyang tanggapin ang sinumang mamahalin ng kanyang ama. Ang tanging hangad lang daw niya ang kaligayahan ng kanyang daddy Vic. - FRJ, GMA News