ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Lea Salonga, may panawagan tungkol sa naging 'isyu' kay Anne Curtis


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagkaroon na ng paglilinaw ang lumabas na ulat na nilait umano ng international Pinay singer na si Lea Salonga ang young actress na si Anne Curtis na nag-concert sa Araneta Coliseum kamakailan. Sa ulat ni Erwin Santiago na lumabas sa Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Miyerkules, sinabing nag-ugat ang usapin tungkol sa dalawa nang malathala sa isang news website na nilait umano ni Lea si Anne dahil sa pagkanta ng huli. Ang naturang ulat ay lumabas din sa ilang pahayagan at nagkaroon ng hindi positibong pagtanggap sa mga tagahanga ni Anne. Bunga nito, si Lea naman ang tumanggap ng mga pagbatikos mula sa mga follower ni Anne sa Twitter. May mahigit dalawang milyong followers si Anne sa Twitter, habang halos 800,000 naman ang followers ni Lea. Sa ulat ni Erwin, sinabing humingi ng paumanhin ang news website kina Lea at Anne, kasabay ng paglabas ng transcript sa naging panayam sa Pinay international singer para sa ikalilinaw ng usapin tungkol sa dalawa. Kasunod ng paglabas ng transcript sa kanyang panayam, nag-tweet si Lea upang linawin muli na hindi niya nilait si Anne. Lumitaw na pinuri pa niya si Anne sa pag-amin nito na hindi siya singer kundi isang “artist." Bunga naman ng mga natatanggap na batikos – partikular sa Twitter – dahil sa naging isyu nila ni Anne, nanawagan si Lea na dapat alamin muna ng mga tao ang buong katotohanan bago mambatikos. "So before anyone decides to launch an attack because of what I said, which I stand by, find out exactly what I said in full, and in context," nakasaad sa tweet ni Lea. Tanong pa ni Lea sa hiwalay niyang tweet: “Just curious... are celebs the only target, or are normal people bull's eyes too? “What kind of person would cuss someone out on Twitter? Anong klaseng tao ang nagmumura sa iba sa Twitter? Duwag o matapang? Coward or brave?" Dahil sa mga batikos, sinabi ni Lean na panay ang gamit niya sa "block button" sa kanyang Twitter account. -- FRJ, GMA News