ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Pag-awit noon ni Charice sa mga kanta ni Whitney Houston, nagmistulang tribute sa pumanaw na singer


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagmistulang tribute kay Whitney Houston ang pag-awit ng Pinay international singer na si Charice Pempenco sa dalawang sikat na kanta ng pumanaw na sikat na R&B singer sa isang concert na ginanap umano noong 2009. Ini-upload sa Youtube (may petsang Feb 13, 2012) ang naturang video ng concert ni Charice kasama ang kanyang ninong na si David Foster. Nilagyan ng mga sub-title ang video kaya marami ang nag-akala na bago ang video at tunay na tribute ito kay Whitney. Sa naturang video ay umiiyak na magkasunod na inawit ni Charice ang mga sikat na kanta ni Whitney na “"I Have Nothing" at “I Will Always Love You." Sa mga naka-post na comments, ilan sa mga nakapanood ang agad na nakapuna na luma ang video dahil nakalagay sa titulo nito na 17-anyos pa lang si Charice, samantalang 19-anyos na siya ngayon. Ang iba naman, nag-post ng matinding paghanga sa husay ng pag-awit ni Charice. Mayroon ding ikinumpara ang rendisyon ni Charice sa ginawang pag-awit ni Jennifer Hudson ng “I Will Always Love You" sa tribute na ibinigay ng Grammy kay Whitney. Si Whitney, 48-anyos, ay natagpuang walang buhay sa tinutuluyan niyang hotel sa Beverly Hills. Patuloy pang iniimbestigahan kung ano ang sanhi ng kanyang pagkamatay. Sa pinakahuling post ni Charice sa kanyang Twitter account, sinabi nito na: “I still can't believe this. I'm really shocked and sad. :'( I feel like I lost a relative. I'm gon cry. I'm shaking. Love u Whitney... :(. " Samantala, sa Dubai magsisimula ang "Infinity" concert tour ni Charice na gagawin sa Marso 2. Magtutungo rin ang Pinay sensational singer sa Singapore, Jakarta, Hong Kong at Korea. -- FRJ, GMA News