Edu Manzano nag-sorry: PNoy-Grace Lee date sa Greenhills, 'kuryente'
Humingi ng paumanhin ang actor-TV host na si Edu Manzano kaugnay sa kanyang tweet nitong Huwebes na nakitang nagdi-date “in the middle of the day" sa Grenhills, San Juan sina Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III at Kapuso host na si Grace Lee. Ang naturang tweet ni Edu na namataan sa Promenade Greenhills sina PNoy at Grace ay mabilis na nakakuha ng atensyon ng marami – maging mga nasa media. Nagkaroon din kaagad ng ilang negatibong komento at naglarawan na “noynoying" ang umano’y pamamasyal ng pangulo. “PNoy and Grace Lee spotted at Promenade Greenhills today. In the middle of the day. To be fair, it IS a nice day for a leisurely stroll," nakasaad sa tweet ni Edu. Komento ni @ngitingmaldita: “PNoy and Grace Lee spotted at Promenade Greenhills today. In the middle of the day. --Naku naman ang daming dapat ..." “Kapag si PNOY and Grace Lee spotted at Greenhills during working hours e NOYNOYING na kaagad? Di ba pwedeng consultative assembly of 2 muna?" ayon naman kay@kingdelrosario. Kasunod nito ay kaagad nag-tweet ang mga tagapagsalita ng Malacanang para linawin na nasa pulong ng National Economic and Development Authority (NEDA) si Aquino at hindi ito nagtungo sa Greenhills. Maging si Grace ay nag-tweet rin na nasa Makati si buong maghapon: “Hmmm... I was in makati the whole afternoon RT @mcarladavid: “@Karen_DaviLa: Hmmmm....PNOY and Grace Lee strolling in Greenhills...." Makaraang ng ilang sandali, nag-post muli ng mensahe sa kanyang Twitter account si Edu para aminin na hindi kumpirmado ang kanyang naunang tweet tungkol sa pagkakakita kina PNoy at Grace sa Greenhills. “Sorry for the confusion, everyone. In local parlance, "nakuryente" ako, and I was foolish to tweet unconfirmed chismis," ayon sa actor-host. “Pnoy was NOT in Promenade with Grace Lee today. It was unconfirmed gossip, and I was overeager. I deserve all the backlash. Lesson learned," dagdag niya. Samantala, natawa lang umano ang pangulo nang hingan ng reaksiyon ng media tungkol sa tweet na nakita silang nagde-date ni Grace sa Greenhills. - FRJimenez, GMA News