We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Kasama ang ilang Kapuso stars sa mga Pinoy na kalahok sa online voting para sa titulong “sexiest vegetarian celebrity" ng People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) Asia na ginagawa taun-taon. Sa isang pahayag na ipinalabas ng PETA nitong Huwebes, kasama sa listahan ng mga pinagpipilian sina StarStruck alumnus Yasmin Kurdi, Raymond Bagatsing ng The Good Daughter, at Survivor Philippines ex-castaway Geneva Cruz. Nasa listahan din sina Chin-chin Gutierrez, Juliana Palermo, Carlos Agassi, Isabel Roces, Alicia Mayer, at Sandra Seifert, at dating senador Jamby" Madrigal. Samantala, ang iba pang kilalang international celebrities na vegetarian na kalahok sa titulo ay ang Glee stars na sina Lea Michele at Jenna Ushkowitz; celebrity talk show host Ellen DeGeneres; actress Anne Hathaway, at singer na si Jason Mraz. Ang PETA ay isang organisasyon na nagsusulong sa pagkain ng mga gulay sa halip na karne dahil sa kanilang kampanya kontra sa pagmamalupit sa hayop. “Bakit nga ba dumarami ang mga sikat na taong pinipiling maging vegetarian? Ang pagiging malusog na vegetarian ay maaaring makatulong upang maiwasan ang mga sakit tulad ng puso, kanser at stroke," ayon sa pahayag ng grupo. “Dagdag pa rito, ang mga kumakain ng karne ay siyam na beses na mas inaasahang maging mataba kaysa sa mga vegetarian. Kaya ang diyetang vegetarian ang pinakamadaling paraan upang maging sinsin at balingkinitan," dagdag pa nila. Ayon kay Jason Baker, bise presidente sa international operations ng PETA Asia, ang pagiging vegetarian ay nagpapakita ng kagandahang loob, hindi lamang panlabas na anyo. “Ang pagiging vegetarian ang pinakamabuting magagawa mo para sa mga hayop, para sa mundo, at para sa iyong sarili," paliwanag niya. Para bumoto ng sexiest vegetarian celebrity, bisitahin ang website ng PETA Asia. Tatagal ang botohan hanggang sa Mayo 15. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News