ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
QC Councilor Roderick Paulate: ‘Initiation’ lamang daw ang kinasasangkutang problema
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Itinanggi ni Quezon City Councilor Roderick Paulate ang mga akusasyon sa kanya at sinasabing tila isang initiation lamang ang isyu ng pagkakaroon nito ng ‘ghost employees’ sa kanyang payroll.
“Alam mo, ang daming nagsasabing initiation test lang daw ito. Ganyan daw talaga pag malapit na ang eleksyon. Pero nakakasama rin ng loob, nakaka-depress,” pahayag ni Roderick sa artikulong sinulat ni Rey Pumaloy para sa Philippine Entertainment Portal.
Nagbigay ng pahayag si Roderick matapos ang balitang naglabas ng kautusan si Ombudsman Conchita-Morales ng suspensyon ng anim na buwan kay Roderick Paulate at sa isa pang konsehal na si Francisco Calalay Jr. kaugnay sa naturang isyu.
Ayon pa rin sa PEP.ph article, hindi naman apektado si Roderick sa isyu dahil wala naman daw itong kasalanan.
Aniya, “Kung walang ginawang kasalanan, hindi ka dapat ma-affect, e. Ang nakakatakot lang, yung talagang gagawan ka ng kasalanan...wala na akong magagawa dun.”
“Lagi naman raw talaga ganun ang charges,” wika pa ni Roderick ukol sa isyung binabato sa kanya.
Dagdag pa nito, "I think most of the stars [na pumasok sa pulitika] naka-experience nang gan’on [ghost employees issue]. Tapos kumakalat yung gan’on.”
Gayunpaman, hindi naman nito alam kung bakit ang isyu ng ‘ghost employees’ ang ibinato sa kanya.
“Hindi ko alam kung bakit ipinupukol sa akin yung ganon. Siguro yun ang madaling sabihin," wika ni Roderick.
Hindi rin alam ng konsehal kung saan nanggaling ang balita, at nagulat pa ito na may lumabas na ganoong isyu.
“Nung nagsimula yan, parang nababasa na namin na it’s politically motivated. Kasi kakaupo ko pa lang parang meron na agad ganon," pahayag ni Roderick.
Hindi naman ito naniniwalang suspended siya dahil hindi pa raw ito nakakatanggap ng formal notice.
"Pero hindi ako suspended! Kasi wala naman akong natanggap [na formal notice]. Usually, ipinapadala yan sa tao mismo.”
Nirerespeto naman ni Roderick ang Ombudsman at nakahanda ito sa anumang imbestigasyon.
Wika pa nito, “Ako, I respect them. Yung Ombudsman, they’re just doing their jobs. I welcome the investigation to clear my name.”
Gayunpaman, wala raw ‘ghost empleyees’ sa Quezon City, siyudad kung saan nagtatrabaho si Roderick bilang konsehal.
“Wala! I will say na zero ghost employees kami. Kasi we have a process, e. But ayaw kong ipaliwanag dito," wika ni Roderick.
Sa ngayon, patuloy pa ring ginagampanan ni Roderick ang kanyang tungkulin bilang isang konsehal tulad ng pagpasok sa opisina at pagbisita sa kanyang mga nasasakupan.
Sinuportahan naman ni Mayor Herbert Bautista ang kaibigan nitong si Councilor Roderick, at hindi itong naniniwalang may ginagawang katiwalian ang konsehal. — Mac Macapendeg/RSJ, GMA News
Tags: roderickpaulate
More Videos
Most Popular