Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mommy Dionisia nahilo matapos matalo si Pacman kay Bradley


Nahilo ang ina ng Pambansang Kamao na si Mommy Dionisia Pacquiao matapos malaman ang desisyon sa labang Manny Pacquiao at Timothy Bradley na ginanap sa MGM Grand Hotel nitong Linggo (Sabado ng gabi sa USA).   Gayunpaman, mabuti na ang kalagayan ni Mommy Dionisia at aniya ay nahilo siya dahil sa init sa kanilang prayer room at hindi dahil sa pagkatalo ng kanyang anak.   Nanood ng laban si Mommy Dionisia sa General Santos kasama ang kanyang ibang mga anak habang ang asawa ni Pacman na si Jinkee Pacquiao, kasama ang kanilang dalawang anak ay nanonood ng laban sa mismong MGM Grand Hotel.

Nahilo si Dionisia Pacquiao umano'y dahil sa init sa silid kung saan hinintay nila ang resulta ng laban ni Manny Pacquiao kay Bradley. Talo si Pacman sa split decision na pumabor kay Bradley.  Hadji Rieta
  Bukod dito, nag-iyakan daw ang mga kapatid na babae ni Manny Pacquiao ayon sa interview ni John ‘Sweet’ Lapus ngayong Hunyo 10, 2012 sa Showbiz Central.   Wika pa ni Mommy Dionisia, “Nag-iyakan sila [mga kapatid ni Manny]. Bakit natalo ang kapatid nila [si Manny], eh wala kahit sugat konti, wala raw.”   Gayundin, papayag daw si Mommy Dionisia sa rematch ng labang Pacquiao-Bradley sa Nobyembre. Dagdag pa nito, sasama na raw siya sa susunod na laban.   Si Timothy Bradley na ang may hawak World Boxing Organization (WBO) Welterweight Championship Belt mula kay Manny Pacquiao.   Nanalo ang Amerikanong boxer laban kay Manny Pacquiao sa pamamagitan ng split decision.   Nagbigay na rin ng mensahe si Mommy Dionisia para sa mga taong naniniwalang si Manny ang dapat nanalo sa naging laban nito kay Bradley.   Aniya, “Kasi ako nanay, natanggap ko na, wala na tayong magawa [dahil] tapos na ang labanan nila. Pero alam yan ng mga tao, alam ko nakita sa mga mata ng mga tao, hindi matalo si Manny dahil maraming puntos.” — Mac Macapendeg/ELR, GMA News