'Think Before You Click Campaign' ng GMA 7, pinarangalan sa 2012 TATT Awards
Tumanggap ng pagkilala sa 2012 Globe Tatt Awards ang 'Think Before You Click Campaign' ng GMA 7. Pinarangalan din ng grupo ang Kapuso star na si Julie Anne San Jose. Ang "Safe Surfer" award ng Tatt ay ibinigay sa 'Think Before You Click Campaign' dahil sa pagsusulong nito ng responsableng paggamit ng social media. Si Howie Severino, GMA Vice President for Multi Media Journalism at Editor-in-Chief ng GMA News Online, ang tumanggap ng award. Muling ipinaalala ni Severino ang kapangyarihan ng Internet na makalikha at makasira ng reputasyon at buhay ng tao kaya dapat maging responsable sa paggamit ng modernong teknolohiya. Pinaparangalan sa Tatt Awards ang mga grupo at indibidwal na nakapagbigay ng malaking kontribusyon sa social media. Ang Kapuso star na si Julie Anne San Jose ang tumanggap ng pagkilala bilang People’s Choice at Trending Personality. Ang seremonya ng Tatt Awards ay ginanap sa NBC Tent nitong Biyernes, June 29. – FRJimenez, GMA News