ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kapuso comedians, nagbahagi ng kanilang mga alaala kay Comedy King Dolphy


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Bago pa man dalhin sa kanyang huling hantungan si Dolphy noong Linggo, nagkaroon ng pagkakataon ang Startalk TX na makausap ang ilan sa mga komedyanteng nakatrabaho at humanga sa kanya. Puro pagpupugay at magagandang kuwento ang ibinahagi nila habang inaalala ang halos pitong dekada na pamamalagi ng nag-iisang Hari ng Komedya sa showbiz. Para kay Michael V., isa si Dolphy sa mga dahilan kung bakit niya naisip na pasukin ang pagko-comedy. “Yung pagnanasa ko na maging komedyante parang sa kanya ko nakuha. Bata pa lang ako siyempre yung pinapanood ko mga ganung pelikula na. Yung ‘John En Marsha’, lagi kong sinusubaybayan," kuwento niya. “Personally hindi ko makakalimutan yung unang beses ko siyang napanood sa TV na isa sa mga dahilan nga na napunta ako sa ganitong trabaho," dagdag pa ni Bitoy, “Siguro yung yapak na dinaanan niya parang yun din ang gusto kong sundan." Ang kakaibang style naman ni Mang Dolphy ang naging inspirasyon ni Bubble Gang mainstay Ogie Alcasid. “Lahat ng istilo niya ng pagpapatawa, yung pagbibihis babae, yung pagpapatawa niya na suwabeng suwabe, hindi masyadong nananakit ng damdaming ng ibang tao, yun ang tinularan ko sa kanya," paliwanag ni Ogie. Ayon naman kay Vic Sotto, ang pagiging mapagpakumbaba ni Dolphy ang kanyang hinangaan. “Isipin mo Dolphy siya, mataas ang ranggo sa amin nun pero ‘di mo siya makikitaan ng ganun. [Para sa kanya], parang pantay-pantay lang tayo dito," ayon kay Bossing. Sumang-ayon naman dito si Bitoy. “Napaka-down to earth, napakadaling lapitan. Kahit sinong lumapit [sa kanya] actually parang matagal na niyang kakilala," pahayag nito. Ang katangiang ito ni Dolphy ay tumatak din kay Ogie. “Tatay siya ng lahat so andoon yung pagiging paternal niya sa lahat. Aalagaan ka niya," paliwanag niya. Bilib na bilib naman si Joey de Leon sa itinagal ni Dolphy sa industrya. “[Isipin mo], pitong dekada mong nakikita, TV, sine, stage. Kung nabuhay ka nung panahon ng Hapon napanood mo siya dun, pati recording [andun siya]," ayon sa Protégé judge. Mapapanood sina Ogie at Bitoy tuwing Biyernes ng gabi sa Bubble Gang at sa Pare & Pare every Sunday pagkatapos ng Pinoy Adventures. Samantala, patuloy naman na nagpapasaya nina Bossing Vic, Joey at ng mga Dabarkads sa Eat Bulaga, mula Lunes hanggang Biyernes ng tanghali. Abangan din si Joey as one of the judges of the much-awaited Protégé: The Battle for the Big Artista Break, coming this August. - GMANetwork.com