GMA Network, pinalawak ang viewership sa pagbubukas ng regional stations sa Ilocos at Bicol
Lalo pang pinalawak ng GMA Network ang pangunguna nito sa buong bansa matapos ilunsad ang karagdagang originating stations sa Ilocos at Bicol region. Nitong Hunyo, binuksan ng GMA ang GMA-Ilocos Norte (Channel 5) at sa GMA-Ilocos Sur (Channel 48) na aabot sa ilang bahagi ng Abra. Ang Ilocos station na may investment na nagkakahalaga ng mahigit sa P100 milyong ay mayroong competitive signal strength na tinatayang aabot sa 218,000 television households. Ngayong Agosto, inilunsad naman ng GMA ang pinakabagong regional station sa Bicol na ginugulan ng aabot sa P100 milyon. Napapanood ang GMA-Bicol sa mga probinsiya ng Camarines Sur at Albay. At sa susunod ay mapapanood din sa Sorsogon, Masbate, at Catanduanes na may kabuuang sakop na aabot sa 805,000 television households. Sinundan ng GMA Bicol ang matagumpay na paglulunsad GMA Naga satellite station noong 2009. Patuloy na nagbibigay ng double-digit na taunang net income ang GMA-Naga hanggang sa gawin itong full-blown originating station kamakailan. Ang GMA-Ilocos at GMA-Bicol ay karagdagan sa mga nauna nang originating stations sa Cebu, Davao, Iloilo, at Dagupan, na pawang nagpapasok ng income sa network mula pa noong 2006. Ayon kay GMA Chairman at CEO Atty. Felipe L. Gozon, ang pagtatag ng mga karagdagang regional stations ay patunay na isinusulong ng GMA ang kapakanan ng mga manonood sa iba't-ibang parte ng bansa. “We study and customize our response to the diverse programming needs of viewers from different parts of the country. The newly opened Ilocos and Bicol stations service the locals, who are used to using their respective dialects other than Filipino," pahayag ni Atty. Gozon. Para naman kay GMA President at COO Gilberto R. Duavit Jr., sinabi nito na may kakayahan ang dalawang bagong estasyon na gumawa ng mga lokal na programa dahil mayroong itong microwave at satellite facilities. Kasama rin dito ang kakayahan ng dalawang istasyon na mangalap at magkaloob ng mga balita na magmumula sa mga karatig lalawigan. “We are excited by the opportunity to share more of our programs, both national and soon, local, with our valued viewers in the Ilocos and Bicol regions and look forward to their making GMA a bigger part of their regular viewing time," ayon kay Mr. Duavit. Ang mga istasyong ito sa labas ng Mega Manila ay naging instrumento sa patuloy na paglago ng revenue ng network at sa patuloy na pagpapalawak ng GMA viewership sa buong bansa. Gayundin ang patuloy na pangunguna ng mga Kapuso sa nationwide ratings mula pa noong 2011 dahil na rin sa pinalakasna weekdays at weekend programming sa lahat ng time block at pangunguna sa ratings sa mga rehiyon sa Visayas at Mindanao. Ang localized programming sa Ilocos at Bicol stations ay isinagawa na rin ng News and Public Affairs Programs sa kani-kanilang istasyon. Ang 'Balitang Ilokano,' ay pinamumunuan ng beteranong broadcast journalist na si Jorge Guerrero, ay sumasakop sa malawak na paksa mula sa pulitika, relihiyon, mga kalamidad, at regional festivals. Gamit ang lokal na lengguwaheng Ilocano, nagiging pangunahing pinagkukunan ng impormasyon sa hilagang bahagi ng bansa ang naturang news program na napapanood sa GMA Ilocos mula 5:10PM hanggang 5:50PM. Maliban dito, nakakatanggap din ito ng magagandang review sa online community at trade. Samantala, magbibigay naman ng lokal na panlasa ang “Baretang Bikol" na ibabahagi ng veteran journalist na si Elmer Caseles. Mapapanood ang naturang programa ngayong Setyembre 17 mula 5:10Pm hanggang 5:50PM. - Mac Macapendeg/FRJimenez, GMA News