Masuwerteng si ‘Pepito Manaloto’, magbabalik sa GMA 7
Muling magbabalik ang isa sa funniest sitcoms ng GMA Network na Pepito Manaloto, na pinangungunahan ng man of many faces na si Michael V. as Pepito himself. Masayang ikinuwento ng Kapuso actor-comedian last August 23, sa set ng Pepito Manaloto sa Casa Milan sa Fairview, Quezon City ang mga detalye tungkol sa second season ng kanyang sitcom. Labis na ikinasiya umano ni Bitoy nang nalaman niya na magkakaroon ng second season ang Pepito Manaloto. “Ang reaction kasi ng maraming fans at supporters ay nabitin sila. Kaya’t ang sabi ko ay siguro nga napapanahon na upang mabigyan sila ng tiyansa upang makita uli ‘yong pamilya. Ito kasi ‘yong gusto ng audience so, pinakinggan lang naman namin kung ano ‘yong gusto nila, so ‘yon iyong ibibigay naming," ayon kay Michael V. Dagdag pa niya: “Kasi, kung gaano nila na-miss ‘yong pamilya ni Pepito, ganun din ang pagka-miss ng pamilya ni Pepito sa mga audience, kaya’t nagpapasalamat talaga ako sa kanila at sa GMA." Ayon pa sa Kapuso comedian, hindi niya kinukunsiderang ikalawang yugto ang pagbabalik ng kanyang show. “Actually, ‘di ko siya matatawag na pangawalang yugto. Kay Pepito Manaloto, the person at hindi ‘yong storya niya na nangyari dun sa una, iyong napanood niyo before. So medyo mahirap ipaliwanag pero susubukan naming ipaalam sa inyo kung ano talaga ‘yong totoong pangyayari," ayon kay Bitoy. Si Pepito ay mahirap na tao na nagbago ang buhay at yumaman nang tumama ng jackpot sa lotto. Sinabi ni Bitoy na mayroong konting pagbabago sa format ng dating sitcom at magmumukha itong reality TV dahil sinusundan na sila ngayon ng camera. Nang tanungin ito kung ano pakiramdam niya matapos mabigyan agad ng proyekto pagkatapos ng Pare & Pare, paliwanag niya: “Nakaplano naman ‘yon all the while. So ‘yong Pare & Pare is supposed to go that far lang with 13 episodes or one season as they call it. Lagi namang naman ditong nakareserba o naka-ready itong Pepito Manaloto. Kumbaga, nakakasa na ‘yong bala ni Pepito at puputok na lang. So ito na iyong pagbabalik niya." Hinikayat ni Michael V. ang mga manonood na abangan ang pagbabalik ng bagong Pepito Manaloto. “Huwag niyong asahan ‘yong dati. Hindi siya ‘yong dati. Maaaring binase doon sa dating characters pero ito ‘yong tunay na kwento, at ito ang kwentong dapat marinig niyo. Marami ang dapat abangan sa Pepito Manaloto, kaya’t manood kayo," pag-imbita niya. Abangan ang pagbabalik ni Michael V. bilang Pepito Manaloto ngayong Setyembre, sa GMA 7. -- GMANetwork.com