Dating TGIS star Onemig Bondoc, pinapatanggal sa listahan ng mga botante sa Bataan
Hindi pa man nakakapagpalista bilang kandidato, sinalubong na ng election case ang dating TGIS (Thank God It's Sabado) star na si Onemig Bondoc na tatakbong kongresista sa ikalawang distrito ng Bataan. Sa isang petisyon na inihain sa Municipal Trial Court, hiniling ni Oscar delos Reyes, dating alkalde ng Mariveles, na alisin si Onemig (Juan Miguel R. Bondoc sa tunay na buhay) bilang rehistradong botante ng Mariveles. Napag-alaman na nagpatala bilang botante sa Bataan si Onemig noong February 16, 2012, bilang paghahanda sa kanyang planong pagtakbo sa lokal na posisyon sa lalawigan. Ngunit ayon kay Delos Reyes, hindi residente ng Mariveles ang dating aktor. Sa halip, patuloy umano itong naninirahan sa La Combre Estate, Capitol Hills sa Quezon City at sa isang condominium unit sa San Juan sa Metro Manila. Dagdag pa ng dating alkalde, ang lupain sa Porto del Sol sa Balon Anito, Mariveles ay nailipat lang kay Onemig sa pamamagitan ng Deed of Donation na isinagawa ng mga magulang niya noong lamang May 28, 2012. “Napatunayan sa mga dokumentong hawak ko na hindi siya qualified to vote in Mariveles, much more to become a candidate," ayon kay de los Reyes. Pagtiyak din ng dating alkalde, sasampahan niya ng disqualification case si Onemig kapag nagsumite na ito ng kanyang certificate of candidacy (COC). Mula sa naunang plano na kumandidatong bise gobernador, tatakbo ang dating aktor bilang kongresista sa May 2013 elections. Magsisimula ang filing ng COC sa Oktubre 1 na tatagal hanggang Oktubre 5. “Ginagawa ko ito para sa Mariveles at secondary lang ang pulitika dahil hindi naman ako kandidato. Mali naman kung ang isang taga-Maynila ay may dala lang kayamanan at pagkatapos ay hahabol dito," ayon kay delos Reyes. Kinakabahan ang kalaban Bagaman ipinauubaya na umano niya sa kanyang abogado ang petisyon, hindi naman nababahala dito si Onemig. Indikasyon daw ito na kinakabahan ang mga makakatunggali niya sa halalan. “Hindi raw ako nakatira rito at walang bahay, bata pa lang ako umuuwi na ako rito," pagdiin ni Onemic sabay turo sa kanilang ancestral house na pinakamatanda kung hindi man isa sa mga pinakamatandang bahay sa lugar. Ipinaliwanag din ng dating teen star na nagbago ang kanyang plano na tumakbong kongresista sa halip na bise gobernador dahil sa nabuong alyansa sa ibang pulitiko. Ang TGIS ay dating sikat na teen-oriented show sa GMA 7 noong 1990's. Nakatakda itong ibalik ng Kapuso Network. – Ernie Esconde/FRJ, GMA News