Regine Velasquez, energized pagkatapos ng bakasyon kasama sina Michelle Van Eimeren
Pakiramdam ng Asia's Songbird na si Regine Velasquez ay energized siya pagkatapos ng kanilang bakasyon kasama ang asawang si Ogie Alcasid at ang anak nilang si Baby Nate sa Singapore. Ayon sa ulat ni Lhar Santiago sa Chika Minute ng 24 Oras noong Martes, bagama't limang araw lamang silang nanatili sa Singapore, nag-enjoy sila dahil nakasama nila si Michelle Van Eimeren at ang dalawang anak ni Ogie na sina Leila at Sarah. Bukod pa rito, tuwang-tuwa sila ng makita at makalaro si Baby Nate sa unang pagkakataon ang kanyang Ninang Michelle at dalawang kapatid na babae. Wika pa ni Regine, "Loka loka silang tatlo. Si Ninang Michelle niya, the two girls, they love him, they just love him. Pag-umaga nga nandoon sa kanila, eh, kasi sa gabi ako ang nag-aalaga so sa umaga sila yong nag-aalaga." Samantala, sa Australia naman magpapasko sina Regino, Ogie, at Nate ngayong Disyembre dahil nabitin sila sa kanilang naging bonding. Ayon pa kay Regine, "I have to fix my schedule cause we wanted na sana a little bit longer than mga one week lang. Usually kasi one week [o] five days lang, eh. So para hindi naman bitin, para rin sa asawa ko, kawawa naman, ay nag-usap kami ni Michelle na we want it longer." Sarap Diva Sa parehong balita, excited naman si Regine sa bagong nitong cooking at talk show sa GMA na Sarap Diva na napapanood tuwing Sabado ng umaga. Aniya, "Parang talk show naman talaga siya kaya lang ang setting niya, nasa bahay namin kunwari." "So diba, pag meron tayong guests, ang conversation naman natin is always o nagsa-start sa pagkainm pakakainin mo yong guest mo tapos tatanungin kung paano mo ginawa yong niluto mo," dagdag nito. Gayunpaman, masaya si Regine dahil ang unang guests sa show ay sina Chef Boy Logro at Jessica Soho. Maliban dito, sorpresa at abangan na lamang daw ng mga manonood ang napakasarap na niluto ng Award winning journalist sa kanyang guesting sa nasabing palabas. — Mac Macapendeg/BM, GMA News