ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

John Estrada at Willie Revillame, iniulat na nagkabati na


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagkabati na umano sina John Estrada at Willie Revillame. Sinasabing nangyari ang pagbabati ng dalawa sa huling lamay ng pumanaw na ama ni John noong Huwebes. Sa artikulong isinulat ni Arniel Serato na lumabas sa Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Sabado, sinabing ang entertainment host at columnist na si Cristy Fermin ang nagbalita tungkol sa pagbabati nina John at Willie. Kuwento umano ni Cristy sa kanyang programa sa Radyo Singko nitong Biyernes, niyakap ni Willie si John nang magkita sila sa huling lamay ng ama ng huli noong Huwebes sa The Heritage Park Mortuary and Crematory sa Taguig City. Pumanaw ang ama ni John na si Vicente Estrada dahil sa sakit sa puso noong Lunes. Halos dalawang taon na ang nakararaan nang magkaroon ng hidwaan sina Willie, John at Randy Santiago. Nangyari ito nang tanggapin nina John at Randy ang isang afternoon show sa ABS-CBN na pumalit sa show noon ni Willie sa nabanggit network. Si Willie ay nanggaling sa ABS-CBN bago naging pangunahing artist ng TV5. Pinaniniwalaan na ang nangyaring hidwaan ang dahilan kaya hindi dumalo si Willie sa kasal nina John at Priscilla noong February 2011. -- FRJ, GMA News