Filtered By: Showbiz
Showbiz

Sharon Cuneta reveals suitor of KC


Unang lumabas sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ang balitang nagkakamabutihan na sina KC Concepcion at Lino Cayetano. May nakakita kasi sa dalawa na magkasama diumano sa Tagaytay ilang araw bago mag-Christmas at sa Boracay naman a few days later. Bagama't sinabi ng PEP source na sina KC at Lino na raw, wala pang opisyal na pahayag ang dalawa tungkol dito. Pero isang malapit na kaibigan ni KC ang nagsabi sa PEP na totoong nagkasama sina KC at Lino sa Tagaytay at Boracay, pero hindi pa raw "item" ang dalawa. Sa press conference ng My Mega Valentine 2 concert ni Sharon Cuneta Huwebes ng gabi sa Crowne Plaza, hindi naawat ang entertainment press sa pagtatanong tungkol sa nababalitang relasyon diumano ng panganay na anak ng Megastar at ng TV director na anak naman ng yumaong senador na si Rene Cayetano. "Dapat siguro ay si Direk Lino ang tanungin dahil wala namang sinasabi sa akin si KC. Alam kong marami siyang friends na boys, pero alam ko rin na wala pa siyang boyfriend. It's not nice for a mother to talk about her daughter who is now an adult. Basta ang sabi ko lang sa kanya, huwag muna siyang mag-commit," paliwanag ni Sharon. "Biro ko nga sa kanya, sino naman ang papayag na maging girlfriend siya kung lagi naman siyang wala rito? Mahirap ang long distance love affair. Hindi pa seryoso si KC. Ang studies niya ang first priority niya ngayon, lalo pa at graduating na siya this year," patuloy niya. Sa nakalipas kasing tatlong taon ay sa France naka-base si KC dahil doon siya nag-aaral. Graduating na siya sa kurso niyang corporate communications sa American University sa Paris. Ibinuko ni Sharon na may masugid na manliligaw ngayon si KC, pero hindi niya tinukoy kung si Lino nga ba ito. "Mayroon siyang suitor na talagang lahat kami sa bahay—kahit ang mga anak kong sina Frankie at Miel—ay gustung-gusto siya dahil bukod sa gwapo siya, ang bait-bait pa niya. Nagtuturo siya sa Sunday School sa Victory Fellowship at matagal na siyang kilala ni KC. Kapag dumadalaw ‘yan sa bahay at nakita niyang busy si KC, hindi niya kinukulit. Nandun lang siya sa room ni Mommy [Elaine Cuneta] at ‘yon ang kinakausap niya," kuwento ni Sharon. "Kaya noong hindi pa rin siya sinasagot ni KC, sabi ko sa kanya, baka pwedeng mahintay niya si Frankie at o di kaya si Miel! Siguro kung siya ang mapapangasawa ni KC, ang gaganda ng magiging apo ko. Pero hindi ko pwedeng pangunahan si KC sa kung sino ang magugustuhan niya," patuloy niya. "My paalala lang ako sa mga gustong manligaw kay KC, dapat kaibiganin nila ako. May isa kasing na-link noon kay KC, pero hindi man lamang siya nakipagkaibigan sa akin," natatawa niyang pahayag. Si Direk Lino kaya ay nakipagkaibigan na rin sa Megastar? Knowing Direk Lino, napaka-shy nito at ayaw na ayaw na mapag-uusapan ang kanyang private life. Kaya kahit anong pilit sa kanyang tanungin sa relasyon nila ni KC, ayaw rin nitong magsalita. - Philippine Entertainment Portal