Weekend program lineup ng GMA-7, mas pinatindi simula ngayong Disyembre
Lalong magiging kaabang-abang ang Sabado at Linggo ng GMA-7 ngayong Disyembre dahil sa mas pinatinding program lineup na handog para sa Kapuso viewers. Simula sa Disyembre 1 ng Sabado Star Power, ang Extra Challenge nina Richard Gutierrez at Marian Rivera ay mas maaga nang mapapanood pagsapit ng 5:45 p.m. Ngunit bago ang Extra Challenge, makibalita muna sa pinaaga ring 24 Oras Weekend nina Jiggy Manicad and Pia Arcangel Ang Extra Challenge ay susundan ng Celebrity Bluff nina Eugene Domingo, Jose Manalo at Wally Bayola sa ganap 6:30 p.m. Ang dating nasa Sunday lineup na Kap's Amazing Stories ni Sen. Bong Revilla Jr., ay masusubaybayan na tuwing 7:30 p.m. ng Sabado. Kasunod nito ang Magpakailanman hosted by Ms. Mel Tiangco pagsapit ng 8:15 p.m. Ang Wattajob nina Chris Tiu, Heart Evangelista at comedian John Feir ay papasok pagsapit ng 9:35 p.m. Matatapos ang Sabado Star Power sa kwento ng mga totoong tao sa Tunay na Buhay ni Rhea Santos sa 10:20 p.m. at Walang Tulugan With The Master Showman ni German “Kuya Germs" Moreno pagsapit ng 11:05 p.m. Magbabago ang listahan ng Sunday Sunday Grande dahil matapos ang H.O.T. TV nina Raymond Gutierrez, Roderick Paulate, Jennylyn Mercado, at Regine Velasquez-Alcasid, ay mapapanood na ang 24 Oras Weekend sa ganap na 5:30 p.m. Ang Sunday episode ng Extra Challenge ay mapapanood sa 6:00 p.m., at ang nakakatuwang Pepito Manaloto: Ang Tunay na Kuwento ni Michael V ay mapapanood pagsapit ng 6:45 p.m. Tuwing Linggo na rin mapapanood ang Kapuso Mo, Jessica Soho sa ganap na 7:45 p.m.. na susundan ng Imbestigador ni Mike Enriquez pagdating ng 9:15 p.m. Pagpatak ng 10:00 p.m., mapapanood ang mga kahanga-hangang experiments sa iBilib nina Chris Tiu at Moymoy Palaboy, susundan ng mga paborito nating pelikula o TV specials sa Sunday Night Box Office sa ganap na 10:30 p.m. -- Michelle Caligan/FRJ, GMA News