ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Bb. Pilipinas Janine Tugonon, handa na sa papalapit na Miss Universe competition


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Malakas ang loob ng tubong Bataan na si 2012 Bb. Pilipinas-Miss Universe Janine Tugonon na siya na ang mag-uuwi ng korona sa prestihiyosong beauty pageant na Miss Universe na gaganapin sa Las Vegas, Nevada ngayong Disyembre 19. Wika pa nito, "Excited na ako kasi seven months, come on, it's a long time and ako gusto ko na lang talaga. I wanna go there and compete and do my best and enjoy the whole competition." Ayon sa ulat ni Cata Tibayan sa 24 Oras noong Martes, mahigit walong buwan ang naging preparasyon ng binibini para sa nasabing pageant kasama na ang matinding training sa gym, disiplina sa pag-diet, personality development, at pagkuha ng speech classes. Gayundin, sa halip na makaramdam ng pressure, tinuturing namang inspirasyon ni Janine ang tagumpay na nauwi sa bansa ng mga dating kandidata na sina 2010 Miss Universe 4th runner-up Venus Raj at 2011 Miss Universe 3rd runner-up Shamcey Supsup. Maliban dito, buo rin ang tiwala nina Shamcey at Venus na mahihigitan pa ni Janine ang naging tagumpay nilang dalawa. "Everything happens for a reason. Pinadala ka doon. Alam niya kung anong mangyayari sa iyo," payo ni Venus kay Janine. Sabi naman ni Shamcey, "Pagdating mo doon, act like a winner cuz you're a winner in the Filipinos' eyes. Kaya kami very very happy na ikaw yong nagrepresent ng Philippines sa Miss Universe, so we're very proud of you. Just do your best!" Sa parehong balita, ikinuwento rin ni Janine na kung si Shamcey ay may tsunami walk, meron naman daw siyang signature walk na tinatawag nitong "cobra walk." Aniya, "Kasi may power. 'Yon 'yong palaging sinasabi sa akin ng trainer ko, eh. Kailangan paglumakad ka kailangan may power, 'yong aura mo lalabas so ayon, kaya siya distinct." Samantala, nananawagan naman si Janine sa mga kababayan na botohin siya sa Miss Universe website dahil tulad ng nakaraang taon, makakapasok din sa semi-finals ang mangunguna sa botohan. "Support me and vote for me sa online. Just go to www.missuniverse.com. Pwede po kayong magvote 10 times a day per e-mail," pahayag nito. Sa nasabing set-off party, masayang ibinalita sa event na napili si Shamcey Supsup bilang isa sa mga host ng Miss Universe 2012. — Mac Macapendeg/BM, GMA News