Annette Gozon-Abrogar, nagsampa na ng kasong libel laban kay Sarah Lahbati
Sinampahan ni GMA Films president Atty. Annette Gozon-Abrogar ng kasong libel ang aktres na si Sarah Lahbati nitong Huwebes ng hapon sa opisina ng City Prosecutor ng Makati. Ito ay ikinumpirma sa official statement ng GMA Network na ipinadala nitong Huwebes: "Atty. Annette Gozon Abrogar has filed a criminal case for libel vs Sarah Lahbati this afternoon with the Office of the City Prosecutor of Makati. Instead of trial by publicity, the case will now be brought to the proper forum. Once the case is filed, the subjudice rule applies and parties who continue to talk about the issue in public can be held in contempt of court," nakasaad sa pahayag. Ito ay nagsimula nang magsumite ang young actress ng leave ng isang buwan sa dahilang "to de-stress and unwind," ngunit hindi siya pinahintulutan ng network. Bagama't hindi siya pinayagan, inihayag ni Sarah sa kanyang Twitter account na aalis siya ng bansa at magpapahinga sa showbiz upang ipagpatuloy umano ang pag-aaral sa Switzerland. Dahil rito, inihayag ng GMA na nilabag ni Lahbati ang kanyang kontrata na magtatapos sa Pebrero 2015. Matapos nito ay patuloy na nagbigay ng pahayag ang aktres sa kanyang Twitter account na nagsasabing sinabotahe siya ng Kapuso Network sa pamamagitan ng Sunday lifestyle show na H.O.T. TV. Sa naturang pahayag, sinagot ng network ang mga buwelta ng aktres sa di-umanong "under the table" na ugnayan ng ICONS Management at GMA Artist Center. Ang ICONS ang talent management company ni Bebong Muñoz. Nitong Miyerkules ng gabi, Enero 9, muling nagpahayag ang aktres ng kanyang saloobin gamit ang kanyang Twitter account kung saan nagkaroon siya ng mga alegasyon laban kay Abrogar. — BM, GMA News