Filtered By: Showbiz
Showbiz

Rachelle Ann Go, gaganap bilang isang diwata sa 'Indio'


Maganda ang pasok ng bagong taon para sa Kapuso singer na si Rachelle Ann Go dahil simula ngayong Lunes ay mapapanood na siya sa “Indio,” ang epic fantaseryeng ng GMA Network na pinagbibidahan ni Sen. Bong Revilla. Gaganap siya rito bilang si Libulan, ang Diwata ng Buwan, na ang kapangyarihan ay ang kanyang boses.

 
Rachelle Ann Go during the special screening of GMA Network's epic fantaserye 'Indio' at SM Megamall. Mac Macapendeg.
"Actually ilang beses pa lang ako nakakapag-taping dito at hindi ako kumakanta pa. Yung una parang inintroduce lang kami tapos naka-harness. Well, 'yun 'yung medyo kakaiba dito sa character ko, lumilipad tapos hindi ko pa actually nagagamit 'yung boses ko. Ganon pa lang," kwento ni Rachelle Ann sa panayam ng GMA News Online sa special screening ng “Indio” nitong Enero 9 sa SM Megamall. Makakasama niya rito bilang diwata sina Rhian Ramos, Sam Pinto, Ehra Madrigal, Ellen Adarna, Solenn Heussaff, Paolo Paraiso, Will Devaughn, Steven Silva, at Kyle Jimenez. Gayundin, isang malaking biyaya para sa kanya ang mapabilang sa malaking proyekto ng Kapuso Network. Aniya, "Sobrang malaking blessing ito dahil sabi ko, hindi naman talaga ako aktres, ano, kumbaga singer ako. Bakit ako nakasama dito sa isang malaking epicserye? At 'yung mga kasama kong actors talagang naglalakihan. Sobrang malaking blessing ito para mapili akong maging parte ng soap." 'Miss Saigon' Samantala, wala pa ring balita ang singer ukol sa estado ng audition niya para sa pagbabalik ng stage musical na "Miss Saigon" na mapapanood sa West End, London. Isa kasi si Rachelle Ann sa mga napabilang sa shortlist sa ginanap na audition sa bansa para sa nasabing palabas noong Nobyembre 2012. Wika pa nito, "Alam mo, ang daming nagtatanong sa 'kin, hindi ko rin alam ang isasagot ko pero hinihintay ko pa rin 'yung decision." Kaya naman patuloy lang si Rachelle Ann sa pagdadasal sa posibilidad na siya ang mapili para sa papel na Kim, na dating ginampanan ni Lea Salonga. "2014 kasi ang opening, wala pang definite date pero wala, ginagawa ko, prayers lang talaga. Sabi ko sa mga friends ko pagdasal niyo na lang ako, knug aon yong will ni God talaga for me, mangyayari," saad nito. Dagdag pa niya, "I don't want to expect anything, basta, kumbaga, sa akin." Maliban dito, habang naghihintay sa desisyon ay abala ngayon si Rachelle Ann sa “Indio” at sa posibleng muling pagbibida sa bagong musical. Kwento pa nito, "Kaya sabi ko nga, kung ano man 'yung maging desisyon, makapasok man o hindi, ito, nagiging training ground na itong 'Indio.' Baka this year, [may show] baka Disney din. Hindi ko pa 'ata pwedeng sabihin. Hindi pa ako nakaka-oo, so ayaw ko rin naman, baka maudlot. Sana matuloy 'yun, in preparation na rin if ever makapasok [sa Miss Saigon]." Dating bumida si Rachelle sa musical na "The Little Mermaid" ng Atlantis Productions. Bagong Album Ngayon taon, balak din ni Rachelle Ann na simulan ang kanyang bagong album kung saan mga orihinal na awitin ang laman. "Sana masimulan ko this year, plano ko kasing all originals. Medyo matagal 'yun, ayaw kong madaliin, so sabi ko, gusto kong simulan na rin ngayong taon," pahayag nito. Gayundin, sa walang taon ni Rachelle Ann sa industriya, mas gugustuhin pa rin niyang magsulat at gumawa ng mga orihinal na kanta kaysa gumawa ng covers. Aniya, "Well, mas gustuhin ko talagang original, OPM music talaga, para naman mabuhay, 'di ba dumating 'yung point na parang hindi na tinatangkilik ang OPM music, kaya nga si Kuya Ogie talaga, pinu-push niya yong OPM music." "Siguro isa na rin yong dahilan, gusto kong makatulong din sa industriya natin. Iba kasi yong feeling as an artist, nago-grow ka at saka ginagawa mo kung ano talaga yong music mo. Yun, 'yun ang goal ko this year," dagdag nito. — KBK, GMA News