ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Pelikulang Metro Manila, nagwagi sa Sundance Film Festival sa US


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nakamit ng pelikulang Metro Manila ang Audience Award for Best World Dramatic Film sa katatapos na Sundance Film Festival na ginanap sa Amerika. Ang Metro Manila ay pinamahalaan ng dayuhang direktor na si Sean Ellis, at pinagbidahan nina Jake Macapagal, Althea Vega, at John Arcilla. Wikang Filipino ang dialogue sa pelikula na mayroong English subtitles. Nakasaad sa website ng Sundance, na ang Metro Manila ay istorya ng isang lalaki na nagmula sa probinsiya at nakipagsapalaran sa Metro Manila para mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang pamilya. Magbabago ang kanyang buhay sa pagkakapasok niya sa trabaho sa isang armored truck company kung saan kailangan niyang harapin ang realidad ng buhay sa kalunsuran. “I’m so glad that this film connected with everyone. I’d like to dedicate this to my mum, who passed away last year. Mum, this is for you," nakasaad na pahayag ni Ellis sa website ng Sundance. Bukod sa pagiging direktor, si Ellis din ang naging cinematographer ng pelikula. Kasama rin siya ni Franck Flowers bilang screenwriter; co-producer ni Mathilde Charpentier; at isa sa mga executive producer kasama sina Enrique Gonzalez at Celine Lopez. Hindi naman ito ang unang pagkakataon na gumawa ng pelikula si John Arcilla na ipinalabas sa ibang bansa. Kabilang siya sa mga Pinoy cast ng Hollywood film na The Bourne Legacy na kinunan ang malaking bahagi sa Metro Manila. - FRJimenez, GMA News