ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Magpakailanman presents: 'Ang Tatay Kong Beki: The Ruben Marasigan Story'
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
May karapatan ba ang isang bakla na maging ama? Ito ang kuwentong tatalakayin ngayong Sabado sa Magpakailanman, at bibigyan buhay ni Keempee de Leon. Lumaki si Ruben Marasigan sa amang hindi marunong magpigil ng galit. Hindi na bago sa kaniya ang makaramdam ng pananakit mula rito. At ito ang nagbigay kay Ruben ng lakas para lumaban sa kahit sinong nang-aapi sa kaniya. Ganoon pa man, hindi rin maiwasan ni Ruben -- na gagampanan ni Keempee -- ang paulit-ulit na mahulog ang loob sa mga lalaking wala ring mabuting naidudulot sa kaniya. Ang gusto lang naman niya ay makaramdam ng pagmamahal; na hindi man tinututulan ng kaniyang mga kaibigan ngunit nais din nilang ipaintindi na kailanman ay hindi niya iyon makukuha sa lalaki. Basahin: Keempee de Leon portrays PEP reporter's life story in Magpakailanman Magbabago lang ang pamumuhay ni Ruben nang dumating sa buhay niya ang batang si Zaldy. Hindi ito kayang buhayin ng ina si Zaldy kaya ipinamigay niya ang bata. Maaawa si Ruben sa sanggol, at sa ina nito, kaya tatanggapin niya ang bata. Siya ang tatayong ama at ina nito. Kapag may manunukso at mang-aaway kay Zaldy, siya rin ang nagiging tagapagtanggol nito. Walang hindi ibibigay si Ruben sa anak-anakang si Zaldy. Sa paglaki, hihilingin ni Zaldy na makilala ang tunay niyang ina, at ito man ay hindi ipagdadamot ni Ruben sa anak. Mahahanap ni Ruben ang ina ni Zaldy, si Sonia, at kakausapin ito tungkol sa hiling ni Zaldy. Ang hindi alam ni Ruben, makikita ni Sonia sa kaniya ang isang baklang malambot ang puso—isang taong pwedeng pagkakitaan. Sa gagawing panunulsol ni Lucas, ang boyfriend ni Sonia, peperahan ng ina ni Zaldy si Ruben. Titiisin ni Ruben ang lahat para kay Zaldy. Kahit nasasaktan siya sa tuwing pinupuntahan nito ang ina. Pero nang malaman ni Ruben ang pananakit na ginagawa nina Lucas at Sonia kay Zaldy, lalabas muli ang tapang nito. Susugurin ni Ruben sina Lucas at Sonia at susubukang bawiin si Zaldy. Pero nang magbanta si Sonia na pwede niyang palabasing peke ang birth certificate na hawak ni Ruben, at pwede niyang bawiin ang anak na si Zaldy—hindi na alam ni Ruben ang gagawin. Ano nga ba ang karapatan ng isang bakla sa anak-anakan? Lalo na kung ang kalaban niya ay ang totoong ina nito? Magagawa bang tanggapin ng mga tao na ang isang baklang katulad ni Ruben ay kaya rin na maging isang mabuting ama? Magagawa ba ni Ruben bawiin si Zaldy mula sa malupit nitong ina? Panoorin ang kwento ng showbiz reporter na si Ruben Marasigan sa Magpakailanman sa darating na Sabado pagkatapos ng Vampire Ang Daddy Ko. -- GMANetwork.com Tags: magpakailanman
More Videos
Most Popular