ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Magpakailanman presents:  'Bataan Sex Worker'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Norma Diwa, 40 years old, isang martir na asawa at mapagkalingang ina sa kanyang tatlong anak na sina Michael, Mylene at Merwin. Bata pa lang ay naghiwalay na ang mga magulang ni Norma dahil sa pagiging babaero rin ang kanyang ama, at ipinamigay naman siya ng kanyang ina.   Alam ni Norma ang hirap ng buhay ng isang sirang pamilya kaya magbubulag-bulagan na lang siya sa pambababae ng kanyang mister na si Rey. Ayaw niyang matulad sa kanya ang kapalaran ng kanyang mga anak.   Ngunit ang pambababae rin ng asawa ni Norma ang magpapahamak sa kanila. Madadawit si Rey sa kabit nito na isang drug pusher na magiging dahilan para makulong siya. Pero mangangako si Rey na hindi na mambababae kaya patatawarin siya ni Norma.   Mula noon ay si Norma na ang mag-isang magtataguyod sa kanilang anak. Kung anu-anong trabaho ang papasukin niya pati na ang pagtitinda sa kulungan.   Mada-diagnose pa si Norma na mayroong cancer of the uterus. Pero ililihim at ipagpapasa-Diyos niya ito dahil wala naman silang perang pampagamot. Ayaw din niyang makadagdag pa patung-patong na nilang problema.   Habang tumatagal ay maraming matutuklasan si Norma na mga maling palakad sa kulungan. Gaya na lang ng pagpapa-party sa kulungan tuwing may okasyon. Pero sa halip na silang mga misis ang iniimbita ay ang mga babaeng inmates ang ipinapasama.   Pinagkakakitaan pa ang nasabing party dahil may ticket ito. Iku-convert din ang mga conjugal rooms para gawing isolation room ng maysakit. Mayroon daw namang mga bakanteng opisina na pwedeng gamitin para dito. Tuloy, marami ang hindi makakagamit ng conjugal rooms at  mababawasan pa ang kakaunti na nga lang na pribadong oras ng mga mag-asawa.   Pero hindi muna ito pag-uukulan ng pansin ni Norma. Ang mahalaga sa kanya ay ang mabantayan ang asawa at palagay ang loob ni Norma na hindi na muling makakapambabae ang mister sa loob ng kulungan.   Hanggang dumating ang bisperas ng Pasko ng nakalipas na taon. Tatlong sex workers ang iligal na makakapasok sa loob ng kulungan. Mahuhuli ni Norma sa akto na kaniig ng kanyang mister ang isa sa mga bayarang babae.   Dahil sa nadiskubre ay mapipilitan nang lumaban si Norma. Kasama ng lima pang misis na may mga asawa ring nakakulong, isusumbong nila sa gobernador ang mga katiwalaang nagaganap sa kulungan.   Ang pinagkakatiwaan daw pala nilang institusyon na may tungkuling ituwid ang mga nagkasala ay siya pang baluktot na kumukonsinti sa maling gawain ng mga asawa nila. Hindi sila papayag na ang kapabayaang ito sa kulungan ay maging banta na maaaring makasira sa kanilang mga pamilya.   Malalathala sa dyaryo ang nangyari kaya makakalampag na rin ang namamahala ng district jail. Sisibakin ang mga tiwaling guwardya, magiging mahigpit na sa pagpapasok ng mga bisita at iba-ban ang mga sex worker.   Sa kasulukuyan ay patuloy pa rin si Norma sa paglaban sa sakit na cancer. Bigo man siya sa pagpapagamot ay tagumpay naman siya sa kanyang pinakamalaking laban – ang mapanatiling buo ang kanyang pamilya. Panooring ang kwento ni Norma sa Magpakailanman ngayong Sabado.  - FRJ, GMA News