advertisement
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Rape joke ni Vice Ganda tungkol kay Jessica Soho, binatikos


Marami ang bumatikos sa umano'y pambabastos na ginawa ng komedyanteng si Vice Ganda sa GMA News anchor na si Jessica Soho, lalo na sa sensitibong paksa ng rape.

Sa isang bahagi ng concert ni Vice Ganda noong Mayo 17, ginamit na halimbawa ni Vice Ganda ang ilang kilalang personalidad sa senaryo ng pagiging bold star. Kabilang sa mga binanggit nito ay sina Kris Aquino, Boy Abunda, Willie Revillame, at si Jessica Soho.

Kung magkakaroon umano ng rape scene si Jessica, dapat daw na laging "gang rape" ang eksena, biro ni Vice Ganda. Umabot ng dalawang minuto ang tuloy-tuloy na pagpapatawa ni Vice Ganda tungkol kay Jessica Soho.

Kabilang sa mga pumuna kay Vice Ganda ang party-list representative ng Gabriela na si Luz Ilagan. Ayon sa reaksyon ni Ilagan sa Twitter, "Joke is made in bad taste. Rape is one of the worst (if not the worst) forms of violence vs women."

Bukod sa pagiging news anchor, si Jessica ay Vice President for News and Public Affairs ng GMA Network. Binatikos din ng ilan niyang mga kasamahan ang mga hirit ni Vice Ganda.

Sa programa ni Arnold Clavio kasama si Lala Roque sa dzBB radio nitong Martes ng umaga, sinabi ni Arnold na lumalabis na si Vice Ganda sa ginagawa nito na gawing katatawanan ang ilang kilalang tao.

Sinabi ni Arnold na panahon na para punahin ang pagmamalabis ng komedyante dahil marami na itong naging biktima, kabilang na si Senator-elect Nancy Binay.

Umani ng reaksyon sa microblogging site na Twitter ang ginawang "paglalaro" ni Vice kay Jessica at sa isyu ng rape.

-- FRJ, GMA News

(Ang GMA News Online ay ang official news website ng GMA Network)
LOADING CONTENT