Lovi Poe talks about challenging role in 'Titser' and the single life
"Mahirap pala maging teacher! Ako na nga lang na umaarte ako, what more pa sila?"
Ito ang pahayag ng multi-awarded actress na si Lovi Poe ukol sa hirap ng propesyon na pagtuturo. Bibida ang aktres sa bagong mini-serye ng GMA News TV na "Titser," na magsisimulang ipalabas sa Agosto 11.
"For me, ito na yata 'yung pinakamahirap sa 'kin na gawin so far because siguro 'yong ibang roles pwede kong paglaruan pero this one, kasi may limitation ako at saka teacher pa 'yan," ani Lovi.
"Hindi lang siya normal na inaarte kundi you dedicate this sa lahat ng mga guro. So, nakaka-pressure talaga— it's very different."
Bibigyang kulay ni Lovi ang karakter ni Michelle, isang matalinong probinsyanang nakapagtapos ng high school bilang valedictorian. Nais niyang maging guro, ngunit dahil sa kahirapan ay ipapadala siya sa Maynila upang mamasukan bilang kasambahay.
"Hindi siya mayaman or anything like that pero matalino siya,” kwento ng aktres. “She's struggling kasi gusto siya ipadala sa Manila para maging kasambahay, pero ang gusto niya talaga maging isang teacher.”
Mistulang indie film
Ang naturang serye ay isinulat ni Nessa Valdellon na siya ring manunulat ng "Bayan Ko." Mula ito sa direksyon ni Dr. Alvin Yapan, ang head ng Filipino Department ng Ateneo de Manila University.
Ang shooting ng naturang serye ay mistulang indie film o documentary na hindi masyado gumagamit ng ilaw, walang air-conditioned tent o portalets, at wala ring espesyal na pagkain para sa mga artista.
Ayon sa press release mula sa GMA Network, nakikita si Lovi sa set na tumutulong sa crew sa mga gawain tulad ng pagkuha ng mga damo upang matakpan ang mga kable.
Ang primer episode ng Titser na magpapakita ng behind-the-scenes footage at mga panayam ay mauunang ipapalabas sa Linggo, Hulyo 28.
Ang "Titser" ang kapalit ng "Bayan Ko" na pinagbidahan ng Kapuso actor na si Rocco Nacino. Tumanggap ang naturang serye ng magandang feedback mula sa mga manonood dahil sa ganda ng istorya at kaabang-abang na takbo ng mga pangyayari.
Ipinalabas ang “Bayan Ko” noong Marso, sa kasagsagan ng Eleksyon 2013, at mayroon itong pitong episodes.
Inamin ni Lovi Poe na nakakaramdam siya ng pressure sa kanyang bagong gagampanang papel, lalo pa't maganda ang takbo ng istorya ng naunang palabas.
"Pag nagsisimula ako sa isang trabaho naninibago ako palagi. Hanggang ngayon, nangangapa pa rin ako dahil mahirap talaga siyang gawin, mahirap maging teacher," saad ni Lovi, na nagsimulang mag-shooting para sa serye noong Hunyo 8.
Gayunpaman, hihingi raw ito ng payo sa katambal na si Rocco ukol sa karanasan nito sa "Bayan Ko."
"I heard a lot of good reviews sa 'Bayan Ko' and alam ko pumunta si Rocco sa isang lugar para mag-immerse para makausap 'yong isang Mayor. Ako naman kasi, I have teachers na friends ko," aniya.
Malapit umano si Lovi sa kanyang mga guro sa Colegio de San Agustin, kung saan siya nagtapos ng high school.
Wika pa ni Lovi, "I loved my teachers before! Sa school kasi namin, close kami sa lahat ng teachers namin."
Dagdag pa nito, "And for you to be an amazing teacher, you need to have the heart not just because you're smart pero dahil may puso ka talaga [sa trabaho mo.]"
Suwerte kay Direk Laurice
Bukod sa “Titser” ay kaliwa't kanan ang proyekto ngayon ni Lovi.
Bibida ito sa bagong teleserye ng GMA-7 na may working title na "Hanggang Ngayon" kung saan makakasama niya uli si Rocco Nacino at ang nagbabalik Kapuso na si Cesar Montano.
"Good luck na lang sa'kin," natatawang sabi nito. "Kakayanin! Masaya naman ako so I'll be working every day talaga tapos may Sunday All Stars pa ako. Mas gusto ko naman na ganito, eh, kasi feeling ko may direksyon."
Ang naturang soap opera ay mula sa direksyon ni Laurice Guillen at magsisimula na ito ngayong Hulyo.
"I feel so lucky dahil first soap opera ni Direk Laurice ito. I feel really blessed kasi she's a really good director," pagmamalaki ng aktres.
Dagdag pa nito, "Actor's director kasi siya so kung anong kailangan mo sa isang eksena na ilalabas ng isang actor 'yon ang gagawin niya. Nandoon siya para i-guide ka."
Enjoying the single life
Kadalasang napag-uusapan ang buhay pag-ibig ni Lovi, gayundin ang kanyang single life.
"Before, kapag may love life ako, 'yon ang pinapakialaman eh. Pero okay lang, sa akin naman I think it's part of the job," ani Lovi.
Kasalukuyan siyang nauugnay kay Rocco, na nakatambal niya sa ilang Kapuso shows tulad ng "Yesterday's Bride." Gayunpaman, sa kabila ng mga usap-usapan, nananatili pa ring magkaibigan ang dalawa.
"Well, single naman ako, so enjoy-enjoy lang naman pag may time," biro pa nito. – YA, GMA News