Ex-child wonder na si Niño Muhlach, may payo kay Ryzza Mae
Nagkaharap sa The Ryzza Mae Show ang dating child star na si Niño Muhlach at ang Kapuso child wonder na si Ryzza Mae Dizon. Sa naturang show, napag-usapan ng dalawa ang tila hindi na paglaki ng mga sikat na batang artista. Biro ni Niño kay Ryzza, hindi na dapat umasa ang "aling maliit" na tatangkad pa siya kahit pa sinasabi nito na panay ang kanyang inom ng gatas at natutulog din ng maaga. Ayon kay Niño, nakaapekto sa kanyang paglaki ang matinding init na nagmumula sa ilaw na ginagamit sa kanilang shooting noong kabataan niya. Masama raw kasi sa pituitary gland ng tao (may kinalaman sa pagtangkad) ang sobrang init ng ilaw. Mabuti raw na low light na ang ilaw na ginagamit ngayon sa shooting. Dahil sa ikinuwento ni Niño, biglang nag-request si Ryzza sa direktor ng kanyang show na bawasan ang kanilang ilaw sa set at nagsabing ayaw na niyang maging child star. - FRJ, GMA News