Filtered By: Showbiz
Showbiz

'My Husband's Lover,' kinilala ng LGBT community sa White Party Manila


Ginawaran kamakailan ng mga grupo ng Lesbians, Gays, Bisexuals, and Transgenders (LGBT) ang GMA-7 hit soap opera na "My Husband's Lover" sa katatapos na 12th White Party Manila na idinadaos taun-taon sa Malate, Manila dahil umano sa pagsusulong nito ng gender equality.
 
"My Husband's Lover is the first teleserye na naglabas ng gay theme sa mainstream media. So we would really like to recognize "My Husband's Lover" for their efforts for conceptualizing [a] gay-themed teleserye," pahayag ni Raffy Aquino, Program and Logisitics head ng White Party. 
 
Ayon sa ulat ni GMA News reporter Vonne Aquino sa Balitanghali nitong Lunes, punong-puno ng pasasalamat ang mga tao na nasa likod ng pinag-uusapang teleserye sa natanggap na plaque of appreciation. 
 
Hindi raw kasi nito inaasahan na magiging maganda ang pagtanggap ng mga manonood sa nasabing programa.
 

Ani Helen Sese, My Husband's Lover program manager, "We are really very thankful na sinusuportahan nila 'yong show namin and sobrang overwhelming 'yong nakukuha namin na response."
 
Wika naman ni Suzette Doctolero, head writer ng My Husband's Lover, "Inisip ko 'tong concept na 'to na hindi siya inisip na lilikha siya ng ganito kalakas na impact."
 
Patuloy na pinag-uusapan sa social media ang naturang palabas at araw-araw itong kabilang sa trending topic ng micro-blogging site na Twitter.
 
Bukod pa rito, nagbigay naman ng mensahe ang bumubuo ng "My Husband's Lover" sa mga manonood at sa LGBT community na nagbigay ng pagkilala sa naturang programa.
 
"Maraming-marami salamat sa LGBT community for giving us this plaque of appreciation. We are really overwhelmed doon sa binibigay nilang suporta. Makakaasa sila na 'yong ibibigay din namin na palabas gabi-gabi ay mas pagagandahin pa namin," ani Sese.
 
Napapanood ang "My Husband's Lover" tuwing Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng "Mundo Mo'y Akin."
 
Ito ay pinagbibidahan nina Carla Abellana, Tom Rodriguez, at Dennis Trillo. — Mac Macapendeg/RSJ, GMA News