Rosanna Roces, nilabag ang kontrata niya sa GMA Network, ayon sa korte
Kinatigan ng Quezon City Regional Trial Court ang reklamong isinampa ng GMA Network laban kay Rosanna Roces dahil sa paglabag sa kontrata noong 2004 bilang host ng showbiz talkshow na StarTalk. Inihain ng GMA ang reklamong breach of contract laban kay Rosanna (Jennifer Molina sa totoong buhay) noong 2005 matapos siyang mapanood sa programa ng ABS-CBN na The Buzz. Sa pitong-pahinang desisyon ni Judge Alfonso C. Ruiz III ng RTC Branch 216, sinabi nito na nilabag ni Rosanna ang kaniyang talent agreement sa GMA nang lumabas siya sa programa ng ABS-CBN na kapareho rin ng format ng iniwan niyang programa sa GMA na Startalk matapos niyang ianunyo ang planong “retirement” sa show business. Ayon sa desisyon, hindi sapat ang anunsiyong "pagreretiro" ni Rosanna para mabalewala na ang kontrata nito sa GMA, na nagsasaad na hindi siya maaaring lumabas sa programa ng ibang network na may kaparehong format at kasabay na oras ng StarTalk. “She cannot unilaterally dismiss a contract which she voluntarily entered into with the mere declaration that she is retiring from show business, and then escape the obligations stated in the contract,” ayon sa desisyon ni Judge Ruiz. Inatasan ng korte si Rosanna na bayaran ang hininging danyos na GMA na P1.5 milyon na kumakatawan sa liquidated damages, exemplary damages, at attorney’s fees at cost of suit. Bukas ang GMA News Online sa magiging pahayag ni Rosanna kaugnay sa naturang desisyon ng korte.-- FRJ, GMA News *Ang GMA News Online ang official news website ng GMA Network