ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

'Transit,' napiling official entry ng Pilipinas sa Oscars


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Napili ang pelikulang "Transit" ni Hannah Espia bilang official entry ng Pilipinas sa prestihiyosong 86th Oscar Academy Awards ayon kay Director Jose Carreon, kalihim ng Directors’ Guild of the Philippines at isa sa mga miyembro ng special committee ng Film Academy of the Philippines. Pinamunuhan ni Director Peque Gallaga, ang bagong FAP special committee chairman, ang komite na responsable sa pagpili ng pelikulang ilalaban sa Foreign Language Category ng Oscars. Ang komite ay binubuo nina Actor-director Robert Arevalo at Gina Alajar, Jose N. Carreon, Dir. William Mayo, Dir. Elwood Perez, Manny Morfe, at Jess Navarro. Matapos ang mahabang pagpulong nitong Setyembre 17, napagkasunduan ng komite na "Transit" na idinirek ng baguhang direktor na si Espia ang ilaban sa Oscars. Nitong nakaraang taon, ang "Bwakaw," na isinulat at idinirek ni Jun Robles Lana ang naging pambato ng Pilipinas sa nabanggit na kategorya pero nabigong mapili ng mga hurado sa Oscars. Ayon kay Carreon, ang "Transit" ang isa sa tatlong pelikulang kasama sa shortlist na pinagpilian, kabilang rito ang "On The Job" ni Erik Matti at "Thy Womb" ni Brilliante Mendoza. Ilan pa sa mga pelikulang ikinunsidera ay ang "Supremo" ni Richard V. Somes, "El Presidente" ni Mark Meily, "Dance of the Steel Bars" nina Cesar Apolinario and Marnie Manicad, "Ekstra" ni Jeffrey Jeturian, "Tiktik: The Aswang Chronicles" ni Erik Matti, "Tuhog" ni Veronica Velasco, at "Boses" ni Ellen Ongkeko-Marfil. Kinilala ang pelikulang "Transit" bilang "Best Picture" sa New Breed Category ng katatapos na Cinemalaya Festival ngayong taon. Ang "Transit" ay kinabibilangan nina Ping Medina, Irma Adlawan, Mercedes Cabral,  Marc Justine Alvarez at Jasmine Curtis-Smith. Ang "Transit" ay kuwento ng Pinoy single dad na si Moises, na nagtatrabaho bilang caregiver sa Tel Aviv. Kasama niya rito ang kaniyang apat na taong gulang na si Joshua, na kinailangan niyang itago sa mga awtoridad ng Israel dahil sa ipatutupad na batas na ipadedeport ang mga bata na anak ng mga dayuhang manggagawa. Sa Twitter, hindi itinago ng cast ng pelikula ang kanilang saya sa naturang desisyon.

— LBG, GMA News