Rudy F sheds tears of joy in surprise party
Napaiyak si Rudy Fernandez dahil hindi nito inaasahan ang surprise birthday dinner na inihanda ng kanyang asawang si Lorna Tolentino. Tears of joy ang pumatak mula sa mga mata ng sikat na action star at 'yon ang unang pagkakataon na nakita siya ng marami na umiyak. Noong Sabado, March 3, ang kaarawan ni Rudy, pero tinanggihan nito ang suggestion na magkaroon siya ng party. Naisip ni LT na maghanda ng surprise dinner para sa kanyang asawa. Ang El Cirkulo restaurant sa Makati City ang napili ni LT na maging venue para hindi magduda si Rudy na may surprise birthday celebration na naghihintay sa kanya. Ang alam ni Rudy, magkakaroon lamang sila ng dinner ng kanyang pamilya kaya nabigla siya nang makita niya ang mga kaibigan sa loob ng restaurant. Sina Lolit Solis at Senator Jinggoy Estrada ang kauna-unahang dumating sa mga bisita na inimbita ni LT. Ayaw ni Rudy ng TV coverage pero hindi siya nakatanggi dahil mismong si Lorna ang nag-interview sa kanya para sa Startalk, kung saan co-host ang multi-awarded actress-wife ni Daboy. Kitang-kita ang kasiyahan ni Rudy dahil dumalo ang mga nagmamahal sa kanya. Namataan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa dinner sina Susan Roces, Armida Siguion-Reyna, YES! Editor-in-Chief Jo-Ann Maglipon, Anna Pingol, Gorgy Rula, Senator Bong Revilla, Gretchen Barretto at Tonyboy Cojuangco, Seiko Films producer Robbie Tan, Dolor Guevarra and Direk Boots Plata, Mark Anthony Fernandez and wife Melissa, Phillip Salvador, Paolo Contis, Precy Ejercito, Amy Austria, at non-showbiz friends ng mag-asawang Rudy at Lorna. - Philippine Entertainment Portal