Filtered By: Showbiz
Showbiz

Tanya Garcia, naiyak nang ikinuwento ang pagkawala ng anak


Nagsimula na ang taping ng remake ng hit TV series na “Villa Quintana” noong October 7. Kinumusta ng GMANetwork.com si Kapuso actress Tanya Garcia na kabilang sa upcoming Afternoon Prime program.
 
Ayon kay Tanya, after niyang magpahinga at mag-focus sa kaniyang family for eight months, nagbabalik na siya ngayon sa drama. Dagdag pa niya, “’yung last ko 'Paroa: Ang Kuwento ni Mariposa' pa eh. That was early February pa.”
 
Gagampanan ni Tanya ang role ni Amparing, ang best friend ni Lumeng (Sunshine Dizon). “Losyang ako rito dahil meron na 'kong apat na anak. Pero despite that, in spite of having a hard life, happy pa rin ‘yung disposition niya,” saad ni Tanya.
 
Nang ikumpara ni Tanya si Amparing sa kaniya, malayong-malayo daw ito sa totoong buhay. “Hindi niya [Amparing] dina-drama ang problema, hindi niya dinidibdib. Ako kasi in real life, honestly, worrier ako eh. I always think of the future…of what might happen, what may happen.”
 
Kung nagiging okay na raw si Amparing matapos niyang iyakan ang mga problema, si Tanya raw ay sobrang taliwas dito lalo na nung may nangyari sa kanya kamakailan lang. 
 
Tanya had a miscarriage.“Nung summer, something really sad happened to us. I lost a baby. It was supposed to be our third baby,” mangiyak-ngiyak na pahayag ni Tanya. 
 
Sa ganitong pangyayari daw sa buhay ni Tanya niya maire-relate in real life ang character ni Amparing. Parehas kasi silang nawalan ng baby.
 
Sa katunayan nga raw, sinabi ni Tanya na nung first day nila ng taping, nag-shoot na sila ng eksena na nawala ang baby ni Amparing. Habang nagku-kuwento si Tanya, agad na tumulo ang kaniyang luha nang sinabi niyang ginamit niya ang pagkawala ng kaniyang baby bilang motivation sa character ni Amparing noon.
 
“Sinabi ko lang kay direk Gina, 'Sorry, direk, kasi medyo nafi-feel ko ‘yung longing niya.' Sabi ko, 'Direk Gina, sorry ah. Baka kasi super um-over ‘yung feelings,'” kuwento ni Tanya. Agad naman daw siyang naintindihan ng kanilang veteran director na si Gina Alajar.
 
Hanggang ngayon ay hindi pa rin daw nakaka-recover si Tanya sa pagkawala ng baby niya. Nagtataka nga raw siya dahil third baby niya na ‘yun kaya’t medyo kabisado niya na raw kung ano ang dapat gawin. Ang masakit daw doon, hindi naman daw siya nagkulang sa pag-aalaga sa kaniyang sarili para mabuhay at maging healthy ang baby. 
 
Sa ngayon, tinutulungan si Tanya ng kaniyang asawa na si Mark Lapid para maka-move on. “Siya ‘yung rock ko. Kasi talagang nandiyan siya. Kasi parang nakakabaliw ‘yun, ‘di ba? So parang siya ‘yung talagang nagsasabi sa’kin na, we have two healthy daughters, go on, life must go on,” dagdag ng aktres.
 
Abangan kung paano gagampanan ni Tanya Garcia si Amparing sa “Villa Quintana,” ngayong darating na November 4 na sa GMA Afternoon Prime. — Text by Al Kendrick Noguera, GMANetwork.com