ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

'Grease' star Frencheska Farr: 'Kailangan ko isipin kung nasaan si Sandy within me'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ngayong Nobyembre ang theater debut ng aktres at performer na si Frencheska Farr, kung saan gaganap ito bilang si Sandy Dumbrowski, ang bidang babae sa hit musical na "Grease" na ipinakilala sa Broadway noong 1972.

Ipapalabas kasi muli ng 9 Works Theatrical ang "Grease: The Musical" sa Carlos P. Romulo Auditorium ng RCBC Plaza, Makati City mula Nobyembre 9 hanggang Disyembre 1.

"I auditioned for this one. Last year pa ako nag-audition and sinabi lang nila sa akin 'yong results lumabas siguro four months ago tapos rehearsals nagstart kami two months [August] ago lang. Matagal na ako nag-audition, maiksi pa hair ko, iba pa hitsura ko," ani Frencheska.

Makakasama niya rito sina Gian Magdangal (Danny Zuko), Rafa Siguion-Reyna (Kenickie), Iya Villania (Betty Rizzo), Jennifer Blair-Bianco (Betty Rizzo), at Peachy Atilano (Frenchie). Si Robbie Guevara naman ang direktor ng re-staging ng Grease.

"Actually 'yong Nine Works kilala ko na talaga sila, na-introduce ako sa kanila because of Gian Magdangal— he's my friend. Barkada ko talaga siya outside work [and] since, into theater naman siya, sabi niya sa'kin 'why not try?' Mag-audition ka lang," kwento ni French.

Patuloy pa nito, "Marami na akong na-audition sa kanila, tapos sinabi niya sa'kin may Grease."

Ang Grease ay tungkol sa storya nina Danny at Sandy na nagsimula sa isang summer fling. Ang kwento ay pumapalibot sa Rydell High School, tungkol sa grupong "T-Birds" (Danny, Doody, Sonny, Roger, at Kenickie) at "Pink Ladies"  (Frenchie, Marty, Jan, at Rizzo). Pinag-usapan sa naturang palabas ang teen pregnancy, gang violence, gayundin ang pag-ibig, pagkakaibigan, pagbibinata, at sex.

Bilang Sandy

Sa simula ng palabas, ipakikilala si Sandy bilang bagong estudyante ng Rydell High School. Dito, ikukwento niya sa Pink Ladies ang tungkol kay Danny at kung paano sila nagkakilala noong bakasyon.

Ang hindi alam ni Sandy, sa parehong paaralan din nag-aaral si Danny. Nang magkatagpo silang dalawa sa hallway, masaya sila ngunit matapos nito ay ipinakita ni Danny na hindi ito gaanong interesadong sa dalaga dahil na rin sa inaasahang personalidad ng T-birds para sa kanilang lider.

Ayon naman kay French, "Una kasi, anong nakita niyo sa'kin para maging Sandy? 'Yon ang unang sabi ko sa kanila, kay Kuya Robbie, bakit ako? Sa pagkakaalam ko, wala talaga ako masyadong Sandy within me. Parang kung kilala talaga ako ng tao, hindi niya ako ilalagay doon sa Sandy."

"Pero sabi niya sa akin, you look the part, e. Nong binabasa ko na si Sandy, honestly, nahirapan talaga ako. Kailangan ko isipin kung nasaan si Sandy within me kasi parang hindi talaga ako ganon, so, challenge siya sa akin," dagdag nito.

Dahil dito, sinubukan ni Frencheska na maunawaan ang karakter na gagampanan nito sa naturang palabas.

"Kasi akala ng iba Sandy yong part, sweet, wholesome, naive ganyan. Madali lang, pero hindi siya madali para sa'kin. Sinasabi ko pa nga lang kanila Gian, paano na 'to? Malapit na tayo mag-open parang hindi pa rin ako sure sa gagawin ko," aniya. "Ang dami ko pa rin tina-try na options kung papaano 'yong atake ng ganitong line, kasi hindi ko talaga makuha kung anong tamang Sandy? Siya, kasi para sa'kin, sobrang bait. Kung ico-compare sa'kin ang layo talaga."

"Medyo nahihirapang akong i-own si Sandy, lalo na kapag nagsa-snap back to myself ako, ang layo. Challenge talaga siya sa'kin pero, tumutulong sa'kin sila Gian kahit na sobra na 'yong oras ng rehearsal namin, naglalaan sila ng time for me," patuloy nito.

Pag-amin pa ni French, "Imo-motivate ka rin naman nila, nong director, hindi ka pababayaan, so okay naman. Nakaka-presusre lang siya ng slight kasi malapit na mag-open and ako na lang yata ang hindi pa ready. Feeling ko silang lahat ready na sila."

Naka-usap ng GMA News Online si Frencheska nitong Oktubre 17 sa technical rehearsals ng Sunday All Stars kung saan kabilang siya sa grupong Instagang.

High school

Nakapagtapos ng high school si Frencheska sa St. Paul Academy sa Parañaque.

Kwento pa ng performer, marami itong mga karanasan at aral sa high school na tila nakatulong sa kanya upang mas maunawaan pa ang sarili.

"I'm a Rizzo," biro nito. "Hindi naman ako Rizzo. May mga times na pasaway, parang lahat naman ata dumadaan sa ganon, may times na kailangan ng tulong from my parents kasi nawawala na sa landas. Pero lahat ng moments na 'yon, naalala ko talaga lahat ng moments nong High School [at] wala akong pinagsisihan kasi ang saya."

Si Rizzo ang palaban at sarkastikong lider ng "Pink Ladies" na  isa rin sa mga bida ng palabas.

Patuloy pa ni Frencheska, "Kapag sinabi mong high school, saya non. Lahat ng memories ko 'nong high school masaya lang kasi bata ka, okay lang magkamali. Kapag tumatanga ka, mas nagiging conscious ka na kasi kailangan mo na ayusin ang buhay mo, sabi ng magulang mo."

"Ang naalala ko sa high school ko, super saya lang. Parang doon ko lahat natutunan ang dapat ko matutunan," saad nito.

Sandy bilang iconic role

Nakilala rin ang "Grease" bilang isa sa longest-running show sa Broadway. Unang pinagbidahan ni Carole Demas (1972) ang karakter ni Sandy. Sinundan naman nito nina Susan Wood (1994), at Laura Osnes (2007).

Nagkaroon din ito ng film adaptation na pinagbidahan naman ang karakter ni Grammy award winner Olivia Newton-John (1978). Ang naturang pelikula ay box-office hit ng taon.

Nitong 1995, ginampanan naman ni Lea Salonga ang karakter ni Sandy sa re-staging ng Grease dito sa Pilipinas.

"I feel small, parang ganon 'yong feeling ko," pahayag ni French nang tangunin kung anong pakiramdamn nito na gampanan ang isang iconic role.

"Parang madalas kasi sa rehearsal, bakit ako? Nahihirapan pa talaga ako isa-puso si Sandy and natatakot ako, honestly, tapos pa nagre-remind sa'kin si Ms. Lea Salonga gumanap nito dito sa Philippines," patuloy nito.

Gayundin, marahil ang tagumpay at dating gumampan sa papel ni Sandy ang nag-udyok kay French upang galingan ang kanyang paggampan sa naturang karakter.

Aniya, "Sinasabi nila, Lea Salonga yan, siyempre, hindi ko naman mapapantayan ang level niya. So, sinasabi ko na ako, 'okay. I'll do my best, guys.' Sobrang pressured ako, hindi ko tinatago pero ang lapit na. Pressure siya pero I'm working on it, I'm really working on it."

Miss Saigon

Noong Nobyembre 2012, marami ang pumila ang nangarap na makapasok sa re-staging ng Tony Award winning theatre musical na "Miss Saigon," ang palabas kung saan nakilala at sumikat sa buong mundo si Lea Salonga, sa West End.

Nagkaroon kasi ng audition dito upang mapabilang sa naturang palabas at ilan sa mga sumbak at pinalad na mapasama sa shortlist ay sina Rachelle Ann Go, Aicelle Santos, at Frencheska Farr.

Gayunpaman, bagamat magi-isang taon na mula nang nasabing audition, tila tikom pa rin ang bibig ng produksyon kung sino na nga ang gaganap bilang si Kim o Gigi sa "Miss Saigon."

Nakasama si Frencheska sa shortlist para sa karakter ni Gigi. Ayon pa sa performer, "Ang sabi nila sa'min maga-announce sila early next year. Pero kasi, parang may mga news na, naglalabas na sila sa London na may venue na and parang binubuo na 'yong cast."

"Ako, umaasa ako, na kahit hindi ako matanggap sasabihan nila ako. Kasi hindi naman sila parang bahala ka na jan, hindi ka na tanggap, hindi ka na namin i-e-mail. Kahit papaano, I'm still waiting for confirmation na kahit papaano, hoping pa rin ako na sana makuha pero kung hindi man sana may e-mail."

Dahil abala na rin si Frencheska sa iba pang trabaho sa bansa, tila hindi na nito gaanong pinagtutuunan ng pansin ang nasabing audition, ngunit kung sakali mang matanggap ito bilang kasapi ng ensemble, wala duda ay tatanggapin niya ang trabaho.

Aniya, "Ako naman, nong nag-audition ako for [Miss] Saigon, sabi ko talaga sa sarili ko, kahit anong role gusto kong i-try. So, na shortlist nga, lalo ako nabigyan ng hope, diba? Kahit anong role okay lang, basta makapasok. Kung hindi naman, gusto ko lang mag e-mail sila."

"Hindi ako parang everyday naiisip ko na sana may Miss Saigon pa. Actually, nakalimutan ko na siya kasi matagal na rin. Siyempre, pag matagal na ang isang bagay, ayaw mo na umasa, ang tagal na non," pagtatapos nito. — BM, GMA News