ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Maricar de Mesa stages comeback as a kontrabida in 'Villa Quintana'
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Hindi maikakaila na maraming manonood ang nagagalit kay Maricar de Mesa dahil sa kontrabida roles na kanyang ginampanan niya. She’s one of the most effective kontrabidas in the industry dahil sa galing niyang umarte at mataray niyang mukha.
Isa sa mga nagmarkang character ni Maricar ay si Olga sa Sana Ay Ikaw Na Nga kung saan siya ang kumontra sa pag-iibigan nina Carlos Miguel (Dingdong Dantes) at Cecilia (Tanya Garcia). Naging hit ang teleseryeng ito noong 2001 na tumagal ng dalawang taon.
Pagkalipas ng halos sampung taon, ipamamalas muli ni Maricar ang kaniyang kamalditahan sa remake ng Villa Quintana bilang si Stella. Maituturing daw niya itong comeback sa pagiging kontrabida.
Isa si Stella sa mga magpapahirap sa buhay nina Isagani (Elmo Magalona) at Lynette (Janine Gutierrez). Tutol kasi siya sa pag-iibigan ng dalawa. Bukod pa rito, siya rin ang manggugulo sa buhay ni Lumeng (Sunshine Dizon), na tunay na mahal ng napangasawa niyang si Robert (Paolo Contis).
Ayon kay Maricar, challenging pa rin daw ang role ni Stella kahit na ilang beses na siyang nag-portray ng kontrabida.
“Hindi siya ‘yong typical kontrabida na yung galit palagi, umiikot yung mata at sumisigaw. Hindi siya ganung klaseng kontrabida. Hindi ito ‘yong mga ginampanan ko na noon sa ibang teleserye,” paliwanag niya.
Sa roles niya bilang Olga at Stella, sinabi ni Maricar na hindi naman daw nagkakalayo ang goal ng dalawa. Parehas daw kasi nilang ipinaglalaban ang kanilang pagmamahal sa isang lalaking may mahal na iba.
Pero kuwento ni Maricar, malayong-malayo raw ang mga character na ginagampanan niya sa tunay na personalidad niya. Hindi naman daw masama ang ugali niya at lalong hindi siya kontrabida sa kaniyang asawa na si Don Allado, isang basketball player.
Dagdag ng aktres, malayo ang character ni Stella sa kanyang real life.
“Ibang-iba kasi si Stella. Hindi naman [siya] mahal ng asawa niya eh ako mahal na mahal ako ng asawa ko. I’m happy. Very supportive ang asawa ko. Seven years na kaming kasal eh. Pero 11 years na kami together,” paliwanag ni Maricar.
Nasanay na rin daw ang mister niya sa kaniyang kontrabida roles. Pero kung minsan, nag-aalala daw ang kaniyang mister dahil feeling nito ay nai-stress siya tuwing gumaganap na kontrabida. Pero hindi naman daw hinahayaan ni Maricar na ma-stress siya sa trabaho dahil iyon ang paborito niyang gawin onscreen.
Subaybayan Si Maricar de Mesa bilang Stella sa remake ng Villa Quintana, weekdays after Eat Bulaga sa GMA Afternoon Prime. - Al Kendrick Noguera, GMANetwork.com
Tags: maricardemesa, villaquintana
More Videos
Most Popular